Kami'y Hindi Makata

TAPAYANG GINTO

Ito ay isang libro. Proyekto ng klaseng Sto. Domingo de Guzman '09. Ang ano mang nakasaad rito ay nakasulat rin doon. Walang Kahit na anong pagbabago ang naisagawa.

Hindi kami makata sapagkat sinubok namin ang aming angking galing at talino upang matapos at mailimbag ang librong ito. May mga TULA, KUWENTO, at SANAYSAY kaming inihanda pero hindi rin kami sigurado kung ito ay swak sa panlasa niyo. Kami'y nag-sisimula pa lamang lumakbay patungo sa hinaharap sa tulong ng aming gurong si Ginoong Richard P. Moral, Jr.

Nawa'y lubos niyong maibigan ang aming mga mumunting artikulo.

-SDDG '09

RockYou FXText

Paunang Salita

Imuklat mo ang iyong mata’t isipan sa isang munting paglalakbay……

Utak ay binubulabog ng mga kalabang hindi mo nakikita. Atake dito,atake doon, walang parteng nailigtas sa kanilang pakikihimasok. Basta ang alam natin ay ang kanilang pakay ay maipahayag ang katotohanan at maiani ang bawat emosyon na naitanim sa kalalamin ng ating puso. Sila’y mumunting bagay lamang ngunit, kapangyarihan nila’y hindi mayayanig. Katalinuha’y kanilang hatid sa puso’t isipan na kanyang binabatid.

Titik na pumipilit umaalsa sa katotohanang kaniyang inihatid. Gabay ang kamay at isipan upang mapukaw ang bawat pusong natutulog sa kabila ng lahat ng kasinungalingan na bumabalot sa kanya. Saksi ang panulat’ papel sa kabayanihang hatid ng bawat titik na naiambag.

Marami ang bumabatikos sa katotohanang naimulat ng bawat titik at salita. Ngunit, sila’y patuloy na lumalaban upang maisiwalat lang ang kung ano ba ang nararapat.

Tayo’ nakakabasa’t nakakasulat ay maswerte sa pagiging taga likha ng mga matatapang na titik na ito. Kaya’t tayo na mismo ang magpapayaman dito at maging inspirasyon sa pagmulat ng mga tinatagong katotohanan sa susunod na henerasyon.

…………………………………………………………………………….

Ngayo’y mga titik ay binigyan ng liwanag ang kadilima’y sa ating puso kaya’t naging obligasyon nating ipahayag ang kaniyang ipinahiwatig sa atin.

Tapayang ginto’y nagawa, isang simpleng koleksyon ng mga artikulo.Mga artikulo na naiambag ng mga simpleng estudyanteng minulat ng nobelang Noli Me Tangere. Hindi man gaanong makata,may sukat at tugma, at propesyonal ang gumawa, ngunit, nagpapahayag ng mas malalim na kahulugang na dapat hukayin at unawain, nagbibigay ng bagong pananaw sa mga bagay-bagay at nagbibigay ng panandaliang rebolusyon ng mga titik at manunulat sa katotohanang kanilang ipinaglalaban.

Ito’y isang kalipunan lang ng mga artikulo na ayon sa pananaw ng iba at ito’y nagbibigay ng bagong daan sa buhay,hindi lamang sa buhay ng mga manunulat, pati na rin as mga mambabasa nito na tinuturing na itong ginto na kinukunan nila ng ginto aral, mga ginto na yumayabong sa katalinuhang taglay. At isang panibagong hakbang patungo sa kinabukasang punong-puno ng katotohanan.

Friday, November 13, 2009

Tunay na Kalayaan, Ika- 1 bilyon (o mahigit pa) na subok
Ni: Anthony John Yusay

Nakakapagtaka ba ang pamagat ko? Teka, magpapaliwanag ako. Opisyal kong dinedeklara na ang sanaysay na ito ang ika- 1 bilyon (o mahigit pa) na subok upang maiipahayag ang tunay na kalayaan.

Kung ako ang tatanungin, magkaiba ang kahulugan ng Kalayaan sa Tunay na Kalayaan. Si Kalayaan ay nagtatrabaho lang ng 8-10 oras sa isang opisina para sa sariling kapakanan at pampalipas oras lamang habang si TK naman ay nagtatrabaho sa isang 24/7 na tindahan. Siya ay parating kulang sa tulog, ngunit, binabalewala niya ito sapagkat meron siyang pamilyang binubuhay.

Ano ba ang Tunay na Kalayaan? Ang Tunay na Kalayaan ay hindi estado ng gobyerno, kundi, ito ay ang estado ng mamamayan. Sa katunayan, napakarami na ang mga sanaysay ang naiambag tungkol dito, pero wala pa ring pagbabago. Kamakailan lang, tayo ay niragasa ng napakalakas na mga bagyo, wala tayong ginawa kundi maghintay at magsisihan lamang.

Kailangan na natin ng pagbabago. Sang-ayon ka ba? Kung hindi, ikaw ay bulag, bingi at walang kamalay-malay sa buong buhay mo dito sa Pilipinas. Saan magsisimula ang pagbabago? Pwede na rin sa’yo. Sa isang kaguluhan, isang tao lang ang kinakailangan upang masimulan ito, ngunit kailangan ng buong kooperasyon ng lahat na kasapi sa kaguluhan upang matapos ito. Tigilan na muna natin ang mga pakulo ng mga iba’t-ibang dayuhan at bigyan natin ng panahon ang ating bayan. Napansin mo ang tunog ng mga huling pasabi ng pangungusap? Magkatunog hindi ba?

Dito ko muna tatapusin ang sanaysay ko. Hindi ko pinili ang paksa na tungkol sa pag-iibigan nina Ibarra at Maria Clara sapagkat wala naman akong dahilan na ibahagi ang kanilang istorya. Dito nagtatapos ang ika-1 bilyon na subok ng isang hamak na mamamayan. Nawa’y may pagbabago na rin na mangyayari, kung wala, ang sanaysay na ito ay makakalimutan na rin kagaya ng 1 bilyon pang iba.

1 comment: