Kami'y Hindi Makata
Ito ay isang libro. Proyekto ng klaseng Sto. Domingo de Guzman '09. Ang ano mang nakasaad rito ay nakasulat rin doon. Walang Kahit na anong pagbabago ang naisagawa.
Hindi kami makata sapagkat sinubok namin ang aming angking galing at talino upang matapos at mailimbag ang librong ito. May mga TULA, KUWENTO, at SANAYSAY kaming inihanda pero hindi rin kami sigurado kung ito ay swak sa panlasa niyo. Kami'y nag-sisimula pa lamang lumakbay patungo sa hinaharap sa tulong ng aming gurong si Ginoong Richard P. Moral, Jr.
Nawa'y lubos niyong maibigan ang aming mga mumunting artikulo.
-SDDG '09
Paunang Salita
Imuklat mo ang iyong mata’t isipan sa isang munting paglalakbay……
Utak ay binubulabog ng mga kalabang hindi mo nakikita. Atake dito,atake doon, walang parteng nailigtas sa kanilang pakikihimasok. Basta ang alam natin ay ang kanilang pakay ay maipahayag ang katotohanan at maiani ang bawat emosyon na naitanim sa kalalamin ng ating puso. Sila’y mumunting bagay lamang ngunit, kapangyarihan nila’y hindi mayayanig. Katalinuha’y kanilang hatid sa puso’t isipan na kanyang binabatid.
Titik na pumipilit umaalsa sa katotohanang kaniyang inihatid. Gabay ang kamay at isipan upang mapukaw ang bawat pusong natutulog sa kabila ng lahat ng kasinungalingan na bumabalot sa kanya. Saksi ang panulat’ papel sa kabayanihang hatid ng bawat titik na naiambag.
Marami ang bumabatikos sa katotohanang naimulat ng bawat titik at salita. Ngunit, sila’y patuloy na lumalaban upang maisiwalat lang ang kung ano ba ang nararapat.
Tayo’ nakakabasa’t nakakasulat ay maswerte sa pagiging taga likha ng mga matatapang na titik na ito. Kaya’t tayo na mismo ang magpapayaman dito at maging inspirasyon sa pagmulat ng mga tinatagong katotohanan sa susunod na henerasyon.
…………………………………………………………………………….
Ngayo’y mga titik ay binigyan ng liwanag ang kadilima’y sa ating puso kaya’t naging obligasyon nating ipahayag ang kaniyang ipinahiwatig sa atin.
Tapayang ginto’y nagawa, isang simpleng koleksyon ng mga artikulo.Mga artikulo na naiambag ng mga simpleng estudyanteng minulat ng nobelang Noli Me Tangere. Hindi man gaanong makata,may sukat at tugma, at propesyonal ang gumawa, ngunit, nagpapahayag ng mas malalim na kahulugang na dapat hukayin at unawain, nagbibigay ng bagong pananaw sa mga bagay-bagay at nagbibigay ng panandaliang rebolusyon ng mga titik at manunulat sa katotohanang kanilang ipinaglalaban.
Ito’y isang kalipunan lang ng mga artikulo na ayon sa pananaw ng iba at ito’y nagbibigay ng bagong daan sa buhay,hindi lamang sa buhay ng mga manunulat, pati na rin as mga mambabasa nito na tinuturing na itong ginto na kinukunan nila ng ginto aral, mga ginto na yumayabong sa katalinuhang taglay. At isang panibagong hakbang patungo sa kinabukasang punong-puno ng katotohanan.
Friday, November 13, 2009
Ni: Daniel Anthony Alngog
Pitong araw sa isang linggo, apat na linggo sa isang buwan, labindalawang buwan sa isang taon, ang liwanag mula sa sikat ng araw ay bumubuo sa bawat segundong nabubuhay tayo. Liwanag na nagpapahiwatig ng kalayaan na ating natamo mula sa mga banyagang mananakop. Buhay ay nawala, dugo’t pawis ay inalay upang makita lang ang pagsikat ng araw sa bayang minamahal. Mga Pilipinong magiting na lumaban at walang humpay na pilit itinatayo ang bandila ng Pilipinas. Naitatag nila ang bansang Pilipinas sa kanilang sariling pananaw at nagsimula na ang pamumuhay natin ng malaya sa kamay ng mananakop. Ngunit, iba ang nakaraan sa kasalukuyan. Sa pagbukas ng ating mga mata, at pag-umpisa ng pagdinig ng ating tenga, masasabi pa ba natin na sa panahong ngayon “malaya pa tayo”?
Bomba dito, bomba doon, maraming tao ang namamatay lalong-lalo na ang mga lugar dito sa Mindanao. Maraming tao ang umiiwas na pumunta sa Mindanao dahil sa takot na mamatay sa kaguluhan dito. Ilang taon na ba ang nakakalilipas nang sumiklab ang kaguluhan dito sa Mindanao? Matagal na matagal na yun pero bakit wala paring pagbabago na nagaganap? Di ba’t ang lahat na bagay dito sa mundo ay mayroong sariling rason kung bakit sila nabuhay dito? Siguro mayroon lang silang pinipilit na ipaglaban na problema na hindi nakikita ng gobyerno, nasa mamayan man o nasa loob mismo ng gobyerno. Mga problemang pilit ipnararating ngunit pilit din namang iniiwas sa dalangin.
Ang gobyerno naman ay itinatago ang lahat nilang lagim. Ang kataksilan sa sariling bayan ay patuloy pa rin ginagawa kahit alam na nila na mali ito. Ninanakawan nila ang sariling bayan na dapat nilang pagsilbihan ng marangal at ng buong puso. Binigyan sila ng sapat na respeto, pinagkakatiwalaan at nananalig na ipahayag ang lahat ng totoo. Ngunit binulag pa rin nila tayo sa pagagamit ng pera at ang kapangyarihan na binigay natin sa kanila na hindi nila dapat ginagawa. Tayo naman na simpleng mamamayan ay walang magagawa kundi sumunod sa lahat nilang kagustuhan upang mabuhay lang ng mas matagal at matiwasay dito sa mundong kinagisnan.
Unti-unting nawawalan na tayo ng kalayaan na hindi natin namamalayan. Bibig ay pinipi, mata’y binulag, paa’y nilumpo, tenga’y biningi at ang dangal ay winasak. Wala na tayong magagawa kundi sumunod sa kanila at maging tuta sa kapwa kababayan. Wala na tayong pwedeng gawin kundi manood sa lahat nilang masamang gawain, makinig sa lahat nilang sinasabi at tumitingala sa kanilang taglay na kapangyarihan. Wala na talaga, wala..... Wala nga ba?
Ngayon, ating nakikita ang mga lagim na ginagawa ng gobyerno sa ating inang bayan, kaya’t tayo na mismo ay tumayo mula sa pagkadapa, sirain ang mga kadena na nagpapaalipin sa atin, huwag ng magbibingihan, magbubulagbulagan at tayo na’t lumaban para sa ating inang bayan. Sama-sama tayong kumilos upang ilaya muli ang ating inang bayan sa bilanggo na kinaroroonan at ibalik siya sa liwanag na dapat niyang kinalalagyan. Marami nang mga tao ang nagsakripisyo upang makita lang natin ang pagbukangliwayliway ng ating bayan, mga bayani na namatay alang-alang sa ating bayan, mga kababayan na nagdurusa upang maisiwalat lang ang katotohanan. Kaya’t ipagpatuloy na natin ang kanilang sinimulan at huwag sayangin ang pakakataon na maging malaya tayo. Kumilos na tayo bago pa mahuli ang lahat...
Ni: Ramlyn P. Andrino
Bata ka pa’y ako na ang kasama mo,
Ako na laging nariyan tuwing kailangan mo.
Pumupunas ng iyong likod tuwing basa ito,
At ipinagdarasal ka linggo-linggo.
Kinakantahan ka para makatulog,
Sa gabing umuulan at kumukulog.
Tinuruan rin kita kung paano tumuhog,
At ipakita ang iyong sarili sa pamamagitan ng tugtog.
Minsan nga’y napapagalitan ng iyong ama,
Sa pagpapalaki ko sa iyo na walang disiplina.
Ako’y agad nagpaliwanag sa kanya,
Na hindi kailangang saktan ang bata para lang matuto siya.
At nang may umapi sa’yo,
Tungkol sa iyong pag-uugali at pagkatao,
Ako’y biglang dumating at pinagtanggol ka sa mga tao.
Nakapagsalita pa ng masasakit na labag sa kalooban ko,
Pero wala akong pinagsisihan lalo na pag tungkol sa iyo.
At nang ika’y tumungtong sa elementarya,
Pinagmamalaki kong sabihing anak kita.
Itinago ang lahat ng iyong mga medalya,
Sabay sabi sa sariling, sa’kin ka nagmana.
At ikaw ngayo’y malaki na,
At napagpasyahang mangibang bansa,
Hindi kita pinigilan at sinuportahan pa,
Pero huwag sanang tumigas ang ulo’t maging pabaya,
Dahil ang mga tao roo’y galit sa mga tatanga-tanga.
At ngayo’y bilang na ang aking mga araw,
Tinupad mo ang aking hiling at ako’y iyong dinalaw.
Ipinadama na ang pagmamahal mo sa aki’y umaapaw,
Sa pagluluto ng paborito kong adobong sitaw.
Ika’y umupo sa silyang kulay dilaw,
Habang ako’y pinagmamasdan unti-unting pumapanaw.
Ni: Vince Anoche
Ang buhay ay parang isang ulam, minsan masarap, minsan hindi. Parang tinola, ito’y masarap kung maganda ang pagkakaluto nito at kung minsa’y hindi naman gaano kasarap kapag ito’y kulang sa timpla o sarsa.
Ang aking naihayag ay isa lamang sa mga halimbawa ng aking pagkukumpara sa buhay, ‘di lang noon at ganun din sa kasalukuyan. Dati, ang buhay ay parang walang silbi, pagtrato sa bawat isa’y hindi pantay-pantay, lalong-lalo na sa mga babae na ginagawang laruan na pagkatapos pagsawaan ay pababayaan lang mamatay o itatapon na parang walang sinasayang na buhay.
Subalit, ito ay maari paring magbago kung ang pagtrato lang natin sa bawat isa ay pantay-pantay, walang mahirap, walang mayaman. Kung pahahalagahan lang natin ito, wala nang mangyayaring di-kanaisnais na maaring kumitil sa ating buhay, pero kahit minsan ay nangyayari rin ang lahat ng mga sinasabi ko sa totoong buhay. Katulad ng iyong matalik na kaibigan. Itinuturing mo siyang parang tunay na kapatid mo na, ngunit hindi mo maiiwasang may pagkakataong siya mismo ang babaliktad sa’yo.
Minsan sa aking buhay ay nadama ko ito. Mga sakit at poot na nabuo sa aking puso’t isipan. Ngunit, aking pinairal pa rin ang pagiging mapagkumbaba dahil kapag idinaan ko sa init ng ulo ay wala rin namang patutunguhan. At kapag ako nama’y maghihiganti ay parang wala na rin akong pinagkaiba sa kanya.
Ngayo’y wala na akong pwedeng gawin kundi ipagdasal siya sa poong maykapal na sana’y magbago siya, maimulat ang mga mata niyang natutulog at pinapalampas ang bawat kasamaan na ginagawa niya. Alam kong walang taong perpekto at nagkakamali rin kung minsan pero may pag-asa pa rin na magbago ang bawat tao kung ito’y kanilang gugustuhin. Katulad ng iyong pamilya na laging nariyan kung tayo’y nalulumbay at naging sandalan tuwing ipinapalabas natin ang bigat ng ating puso. Lalong-lalo na ang Panginoon na ating gabay sa pagtahak ng bawat daan sa buhay. Huwag natin silang kalimutan, na naging bahagi ng ating buhay at ibinigay sa atin ang bahagi ng kanilang sarili upang mabuo ang ating pagkatao.
Ni: Carmen Arceno
Ako ay sumusulat sa inyo upang ibalita ang sakit na lumalaganap sa buong mundo. Ang inspirasyon sa akin na makaintindi at makapagbigay sa iba ng tunay na kaalaman sa kung ano ang nangyari sa ating paligid ay ang nobelang Noli Me Tangere.
Isinulat ni Dr. Jose Rizal ang nobelang ito para ipaalam sa mga tao ang pangungurakot at pang-aabuso ng mga pinuno ng pamahalaang Kastila. Ang magandang halimbawa ay si Padre Damaso. Sa nobelang ito, ginahasa ni Padre Damaso ang isang babae. Sa ating pag-aaral, napag-alaman natin na si Maria Clara ay ang anak ni Padre Damaso. Napag-aralan natin na si Padre Damaso ang pumatay kay Don Rafael, ang ama ni Crisostomo Ibarra. Ito ay isang pangungurakot at pang-aabuso ng isang pari o alagad nd Diyos, na siyang alagad din ng mga Kastila. Ang Noli Me Tangere ay nagsasalamin ng mga pinagdadaanang buhay ng mga Filipino sa kapanahunaang iyon. Isinulat ito ni Dr. Jose Rizal upang mabuksan an mga mata ng ating kababayan kung papaano sila tinatrato ng pamahalaang Kastila.
Kaya’t ako’y narito upang buksan ang inyong mga mata sa katotohanan. Gusto kong ipamahagi ang aking napag-alaman sa inyo na ang nangyayari ngayon sa ating kapaligiran ay mali. Isang halimbawa ay ang pangungurakot ng ating pinunong pamahalaan at pang-aabuso nila sa ating lahat. Sa ngayon ay maraming tao ang inaabuso sa pangkatawan at pag-iisip, at kahit mga hayop ay napapabayaan. Lahat tayo ay dapat mabahala sa sakit na lumalaganap sa ating lipunan na umaapekto sa ekonomiya ng ating bansa.
Ni: Sarah Jean Arceño
Sa isang madilim na sulok,
Puso ko’y parang tinutusok,
Ako’y nangungulilang ganap,
Haplos ng ama ang siyang hanap-hanap.
Sa kanyang piling ay ang siyang pangarap,
Masasayang araw at walang hirap,
Ngunit ang bagyo sa buhay ay dumating,
Mga pangarap ay hindi narating.
Ang mundo ko dati rati ay makulay,
Sa ilog ng pangungulila’y tinangay,
Kami ay nagkalayo at siya ay pumanaw,
Ang mundo kong ginagalawan ay nagunaw.
Lahat ng hirap ay tiniis ko,
Alam kong ako’y suportado,
Mga mahal ko’y nandyan,
Sila’y makakapitan.
Sa aking paghihirap, maraming nalaman,
Ang pagiging matatag ay aking natuklasan,
Pagkawala man ng ama ay hindi matanggap,
Kailangan kong harapin ang aking hinaharap.
Ang pagdurusa ay hindi ko alintana,
Ako ay nakatingin sa labas ng bintana,
Iniisip masasayang ala-ala ni Itay,
Ito na lamang sa akin ang nagbibigay buhay.
Sa kanyang pagkawala,
Hindi lasap ang saya,
At doo’y aking napagtanto,
Sa buhay ako’y natututo.
Ni: Michelle Buenaflor
Puso ng bayan ay kumikirot,
Ulo ng mga tao’y puno ng kunot,
Katotohanan tungkol sa bayan,
Kaya ba nilang panindigan?
Kay linaw ng mga paningin,
Matang kahit saan tumitingin.
Isang tanong para inyong linawin,
Ang pagmamasid, sa’n nga ba nakarating?
Ang naririnig, mga kuwento tungkol sa bayan,
Mga sabi-sabing wala namang kabuluhan.
Kung sana’y naitatanong niyo lang,
Ang bayan, kanya bang pinakikinggan?
Mabangong simoy ng hangin,
Sa bakuran niyang puno ng tanim,
Pero kaya niya bang langhapin,
Ang amoy ng bayang inaalipin?
Kung siya’y magsalita,
Akala niya siya’y laging tama.
Sana mayroon siyang magagawa,
Para sa bayang niyang kawawa.
Siya’y nakakalakad at nakakasulat,
Anu man ang nais, kanyang magagawa.
Hindi man lang marunong magpasalamat,
Sa kanyang bayang binabale-wala.
Nahihirapan na ang bayan,
Nananaig ang takot sa puso’t isipan,
Bayang pagod nang lumaban,
May pag-asa pa bang masisilayan?
Ni: Duchess Marie June Cabangal
Sandali na lang. Abot tanaw na. Binaba ko ang binabasang Noli Me Tangere at tiningnan ang napakagandang tanawin sa bintana. Napakagandang araw, puting ulap, asul na alapaap, at gintong sinag ng araw. Nakatingala, nakatulala, nagtataka. Unang araw ko ito sa bagong bili na bahay ng ama ko dito sa Laguna. Isang murang bahay na inirekomenda ng kaibigan ng ama ko para may bahay lang kami na malilipatan. Hindi ko inakala na ang “lumang” sinasabi niya ay iba sa naisip ko na “luma”. Akala ko kung ano lang; mga kunting sira at kung anu-ano pa pero hindi ko inasahan na ganito pala ka luma!Malaki siya… pero mas luma pa siya sa dating bahay namin. Parang nasa kapanahunan kami ng mga kastila habang tinititigan ko ang bagong bahay namin. Kulang na lang magbarong tagalog ang ama ko at magmaria-clara kami ng ina para bumagay kami sa konsepto ng bahay namin.
Ilang buwan lang at lumipat na naman kami ng bahay dito sa Laguna kasama si ama at ina at ang alagang aso namin na si Doggie. Habang nag-aayos at naglilinis ng bahay, kapansin pansin ang nakakapanginig na hiwagang bumabalot sa bahay na ito. Kung nagbabasa ako ng Noli Me Tangere at kukunin ko ang mata ko mula sa aklat at saka pagmasdan ang silid, parang “nangyayari” ang lahat –doon mismo sa kwarto na kinatatayuan ko. Hindi ko alam kung imahinasyon ko lang ‘yun o kung anu-ano pero parang totoo talaga! Parang nabubuhay ang mga senaryo at ginaganap mismo sa bahay kong ito. Paminsan-minsan parang nandiyan pa rin ang mga boses at mga pag-uusap. “Crisostomo… ipapakilala ko sa iyo…”
“Ang kababaihan talaga ang pinakamahalagang perlas ng ating bayan.” Kahit nag-iisa lang ako sa isang kwarto, parang nandiyan lang ang mga tinig nila. Nag-uusap pero hindi ko nakikita. Naririnig ko pero walang tao.Sa aking pagtulog, maririnig mo na lang ang humihiyaw na iyak at panaghoy sa kalaliman ng gabi. Kay himbing ng tulog mo, maririnig mo na lang si Sisa tumatawag at nagtatanong, “Crispin…. Basilio…. Mga anak ko!” Bigla na lang mumulat ang mga mata ko sa hating gabi. Paano ba ako makakatulog? Hindi ko maintindihan, parang si Sisa na ako sa sitwasyon ko.
“Anak, ok ka lang ba?” tanong minsan ng aking mapagmahal na ina. Nag-aalala na naman siya sa akin. Agaw pansin ang mahinhing kilos at galaw niya. Sa mga araw na titingnan ko ang aking ina, hindi ko mapigilan makita si Maria Clara sa kanya. Mahinhin at huwaran ng kayumian katulad ng isang dalagang katutubo. May mga oras na animo’y para siyang dahon ng makahiya at sa mga pagtitig niya sa iyo ay naipadadama niya ang lungkot, saya, pagkagiliw, galit, at ngitngit na nadarama niya. Isang Maria Clara ngayon sa modernong panahon, nahuhuli ko nasa kanyang silid kung hindi siya nagluluto at nag-aayos ng bahay, nagbabasa, nagbuburda, at nanahi.
Ah… kakain napala. Tumungo ako sa kusina namin at tumulong ilapat sa pagkainan ang pinggan, tinedor, at kutsara. Sa gitna ng kusina, nakapuwesto ang malaking parihabang mesa. Nakaupo ang aking ama sa gitna at kami naman sa tagiliran nito. Hmmm…. Ang sarap ng amoy… Tinola pala. Bigla kong naramdaman ang gutom. Agad-agad kong nilagay ang isang tasang kanin, papaya, at hita at petso ng manok sa pinggan ko. “Dahan-dahan lang anak at baka mabulunan ka.”sabi ng ina ko habang napansin niya ang mabilis kong pagkain.“Oo nga. Sige ka! Lumobo ‘yang tiyan mo na parang pakwan! Magje-js ka pa naman.”dagdag pa ng ama ko. “kumain ka naman ng may ‘class,’ anak.”Napahinto ako at napayuko sa pinggan ko. Nahuhulog na pala ang mga kanin sa pinggan ko. Bigla akong napasagot; nahihiya at natauhan, “Papa naman!” Hindi ko napansin sa mga galaw ko, nabitawan ko ang aking tinidor.
Ano ka ba, Duchess… Dali-dali kong pinulot ang aking tinedor sa sahig. Umiingay pa ang aking upuan habang itunulak ko ito ng papalayo. Hindi talago ako marunong mag-ingat kailan man! Umupo na ako ng matuwid nung bigla kong napansin na may katabi na pala ko. Nagtitigan pa kami. Hindi ako pwedeng magkakamali. Ang lalaking ito… Biglang lumaki ang aking mga mata na parang mga mata ng kuwago. Gusto kong sumigaw pero nakabukas na lang ang aking bunganga. Kahit boses ko ay nawala!.. Ngayong hapunan, ang katabi ko ay si Padre Damaso. Namutla ako at hindi ko na malunok ang aking kinakain. Ito na nga ang bisita ko pagkatapos mahulog ng tinedor ko.
“Gusto niyo pa ba ng Tinola?” tanong ng isang lalaking nakabarong.
Teka! Sino ka? May lalaking nakapasok sa bahay natin! Mama! Papa! Pagkalingi ko sa kanila, hindi lang sila ang nakaupo sa mesa. Hindi lang si Padre Damaso kundi marami pang mga hindi namin kakilala; nakabarong at nakamaria clara! Punong puno at nagkalat sila dito sa buong pagkainan namin!“Pabayaan mo iyan siya. Ako ang pagsilbihan mo. Hindi mo ba nakikita na nagugutom ako?”mapangahas na sabi ni Padre Damaso sa serbidor. Agad-agad namang sinunod ng lalaking nakabarong ang mga utos ni Padre Damaso, halatang ayaw mapagalitan ulit. Parang wala lang nangyayari para sa ama at ina ko dito sa pagkainan namin. Patuloy pa rin ang pagkain at paglunok nila kahit na nagkalat na dito sa loob ng kusinang ito ang mga taong sa panahong ito ay dapat patay na! Ano ba kayo! At ang kinakabahala ko sa lahat, di ba isang tinedor lang ang nahulog ko? Bakit ang rami niyo na sa pamamahay ko! Hay! Hindi na ako magugulat kong katabi ko palagi si Padre Damaso kung kakain kami kung magpapatuloy pa ito!
Habang nagmumuni-muni ako, padabog na mang hinampas ni Padre Damaso sa mesa ang kutsara at tinedor niya. Na-ula tuloy ang tubig sa baso ko. Hindi ko na kailangang tumingin sa pinggan ni Padre Damaso para malaman kung ano ang kinapuputok ng butsi niya. Hindi ko nga napigilang ngumiti nung naisip ko ang ulo at pakpak na lumulutang sa sabaw ng Tinola sa kanyang pinggan. “Hoy! Ano ang ningingiti-ngiti mo diyan, Indiyo?”galit na tanong niya nung nakita niya akong ngumingiti.Tumaas sa takot ang aking balahibo. “Wala po. Masarap lang po talaga ang Tinola.” nanginginig kong sabi sa kanya.Sa beranda ng aming bahay, mahilig akong umupo. Ang malamig na hininga ng hangin ang mismong nagpapalamig sa parte ng bahay na ito. Binuksan ko ang Noli Me Tangereng aklat at sinimulan magbasa. Dinadampi ang mga pahina at tiibanan ng mabuti.
Si Crisostomo Ibarra ay naging at ganito… patuloy lang ang pagkwento ng aklat sa dalawang kamay ko. Tumindig na ako sa puno ng Sambong bago pa ako sikatan ng silahis ng araw. Pinikit ko ang mga mata ko at nagulat ng minulat ko. –Isang lalaki nakaupo sa mesang kahoy sa gitna ng beranda ng bahay namin. Tumayo ang lahat ng balahibo sa kamay ko at nakatayo ako na parang poste sa sobrang sindak. Hindi ko nga alam kung sisigaw ako. Sumisikip na sa kaba ang dibdib ko. Hindi nag-iisip, bigla ko na lang natanong habang lumalaki ang mata ko pagtitig sa kanya, “Crisostomo Ibarra?”Halata sa kanyang mga mata na nagulat siya at kapansin-pansin ang mukha niyang nagtatanong. Napangiti siya at sinabi, “Hindi. Ako po si Juan. ”Tumigil at napahinto ako. Wala na mang tao sa likuran ko. Sigurado ako na si Crisostomo Ibarra ito. Sa kay ‘rami ng kababalaghan dito sa bahay na ito, isa na ito sa mga iyon. Sandali…. Imahinasyon ko lang ba ito? Bakit naman si Crisostomo Ibarra ay uupo sa beranda?
Ano ba ang bahay na ito?
“Ah…Ipagpatawd mo kung nagulat kita.” Agad na pakli ng misteryoso kong bisita. Napalingon ako sa kanya. Mga mata ko nakatitig sa kanya at nagtatanong ang isip ko. “Kung pwede lang ay dumito muna ako. Ang ganda ng araw para pagmasdan.” Tuloy pa niya habang nakatingala sa asul na alapaap. “Ah…Sige.” sagot ko, halatang nag-aalinlangan. Natuklasan ko na lang na nakaupo ako hawak-hawak ang Noli Me Tangere sa isang sulok kasama ang isang lalaki na ang pangalan ay Juan na pinaghihinalaan ko na si Crisostomo Ibarra. Bigla akong napahulo… sobra pa ako sa kay Sisa kung mag-iisip! Sino ang matinong tao na magsususpetsya na ang kausap niya ay isang karakter sa isang libro! Hay naku! Gumising ka nga!Napabuntong hininga ako at hinayaan na lang ang sarili ko pagmasdan ang ganda ng hardin sa beranda namin. Hindi ko mapigilang sumilip paminsan-minsan sa kay Juan. Nagulat na lang ako nung nagtanong siya, “Kamusta ang bahay na ito?Walang kumibo ng ilang segundo. “Mabuti naman. Medyo luma na pero maganda pa rin kung lilinisan. Pero sa totoo lang…’kakaiba’ talaga itong bahay na ‘to” mahinah sagot ko.“Alam mo… espesyal itong bahay na ito.”Napalingi ako. “Talaga? Tumira ka na ba dito?” “Oo. Matagal na.”
Bigla akong nagulat sa kanyang sagot. “Kaya na man pala. Bakit hindi mo sinabi. Kaya naman pala nandito ka. Kami na pala ngayon ang bagong may-ari ng bahay mo.” napangiting sabi ko sa kanya. nginitian niya lang ako. “Pero napansin mo ba? Kakaiba talaga itong bahay na ito.” dugtong ko, natatawa pa. Tumango siya. “Espesyal nga. Alagaan niyo itong bahay na ito kung pwede lang.”Medyo nagtataka ako sa kahilingan niya. “Oo naman. Bahay ito, eh. Nagtataka lang, anong taon ka ba nanirahan dito? Lumang luma na kasi ito, nanirahan ka pa dito? ”Biglang na lang ako tinawag ni ama. Abot langit ang boses niya habang tinatawag niya ang pangalan ko. “Nasaan ka ba?”
Napalakad ako ng ilang metro kung saan nanggagaling ang boses niya. “Nandito po sa beranda.” Tumalikod ako ulit para harapin si Ginoong Juan na huli ko nang napansing sumagot, “Matagal na. –Nung bago pa lang itong bahay at tama ka kanina. Ako nga si Crisostomo. Juan Crisostomo Ibarra y Molina.” “Nakita mo ba ang bitbit kong pamili kanina?” malakas na tawag niya. “Nasa kusina malapit sa kainang mesa.” sagot ko.
Paglingi ko… wala na siya. Nanaginip ba ako o may kababalaghan talaga itong bahay na ito? Diyan ko napansin ang Noli Me Tangere nakahimlay sa mesa sa beranda.
Ni: Jolina Joy Capillio
Isang makiming na dalaga si Mayumi Menderes. Siya ang panganay at meron siyang tatlong babaeng kapatid. Nilayasan sila ng kanilang ama kung kaya’t namasukan na lamang bilang isang labandera ang kanilang ina sa kaibigan nitong mayaman na kastila na si Miguel.
Si Mayumi ay nagtatrabaho sa isang kumpanya bilang taga-linis. Paminsan-minsan ay naisip-isip ni Mayumi na sana’y makapag-aral siya at maging isang ganap na manananggol. Habang naglilinis ng sahig si Mayumi, may biglang pumat-pat sa kanyang likuran at laking gulat nito dahil ito ang kanyang matalik na kaibigan. Allen Tolentino ang kanyang pangalan at sadyang napakayaman nito. Napadaan siya sa kumpanya dahil sinadya niyang makita si Mayumi at makausap. Gusto sana niyang isama ang dalaga sa Espanya at para sa kanila na lamang magtrabaho at si Allen naman ang bahala sa pag-papaaral sa kanya. Laking pasasalamat ni Mayumi at hindi na siyang nagdalawang isip na tumanggi. Naramdaman ni Mayumi na siya’y masaya at malungkot. Nagpaalam na si Mayumi at nakalanghap na ng simoy ng hangin sa Espanya. Si Mayumi ay nag-aaral sa umaga at nagtatrabaho naman bilang katulong sa gabi. Marami ang ayaw kay Mayumi na kapwa katulong sa bahay maliban kay Joana na isa ring Pilipina. Binibigyan si Mayumi ng mabibigat na trabaho at tinitingnan lamang siya ng mga katulong habang nagdurusa.
Isang maulang gabi at dumating ang ina ni Allen galing Estados Unidos. Nag-utos siya na paghandaan siya ng makakain. Walang gustong magluto ng pagkain kaya’t muling inutusan ng mga katulong si Mayumi. Adobo ang niluto ni Mayumi at naaalala nito ang kanyang naiwang tahanan. Inilagay niya sa mesa ang kanyang niluto at nagalit ang kanyang masungit na amo. Siya raw ay nangangati kapag nakakain ng manok. Ito na ang hudyat na pagiging paboritong utusan, pagalitan at murahin si Mayumi ng kanyang amo.
Nakatanggap ng sulat si Mayumi galing sa kapatid na si Elena at sinabing nagkasakit ang kanilang ina. Gumawa ng sulat si Mayumi at dali-daling lumabas ngunit hinarangan siya ng kanyang amo. Kinuha niya ang sulat at pinunit sa harapan ng dalaga. Sinabi ng matanda na ang mga hampaslupang kagaya niya ay walang karapatan na magsulat ng isang liham at ang pagsunod lang sa amo ang kanilang aatupagin. Nagtimpi si Mayumi at umiyak na lamang sa kwarto. Gumawa muli ng sulat si Mayumi na may lamang pera at ipinadala kay Joana dahil babalik na ito sa Pilipinas. Ilang taon ang hinitay ni Mayumi sa sulat ng kapatid at sa wakas, nasa kamay na rin niya ito. Nakasaad sa sulat na namatay na ang kanilang ina na labis iniluksa ng kanyang puso. Ang tatlong naiwang magkakapatid ay kinupkop ni Miguel at pinapahirapan. Binubugbog ni Miguel ang magkakapatid kapag siya’y nalalasing at kinukulong sila sa madilim na kwarto kapag ‘di sumusunod sa kanyang utos. Kumulo ang dugo ni Mayumi at hinintay ang pagkakataon na makakuwi siya sa Pilipinas. Ilang buwan ang nakalipas ay malaya na siyang umuwi sa kanyang inawang bayan at kaagad na umuwi siya dito.
Pagdating pa lang sa Pilipinas ay kaagad siyang pumunta sa tahanan ni Miguel at kinuha ang mga kapatid at kinasuhan si Miguel at hinatulan ng panghabang buhay na pagkabilanggo.
Masaya silang namuhay kahit nakatakas si Miguel. Napatunayan ni Mayumi na hindi hadlang ang kahirapan sa paghahangad ng katarungan. Hindi kalian man naging hadlang ang kanyang pagiging babae sa pagharap ng mga pagsubok. Maraming mahihirap na tao ang naipagtanggol niya at titnitingala siya ng marami.
Ni: Nichol Paolo Comidoy
“Crispin! Basilio! Nasaan na kayo?” ang madalas na bukambibig ng aking nakakatanda na kapatid habang nagsasanay para sa kanilang presentasyon sa paaralan. Tuwing sasambitin niya ang linyang ito, kaagad-agad akong nagtatanong sa kanya kung bakit hinahanap ni Sisa sina Crispin at Basilio? Kung bakit nabaliw si Sisa
Noon pa may madalas ko nang marinig ang tungkol sa nobela ni Gat. Jose Rizal ang “Noli Me Tangere” ngunit hindi ko pa lubos na alam kung ano ang nobelang ito, kung tungkol saan ba ito, at nang mabasa ko ito, ako ay napahanga sa pangunahing tauhan na si Crisostomo Ibarra dahil sa kanyang kabutihan, ang pagiging mapagkumbaba at may pananalig sa Diyos, ang kanyang katalinuhan at higit sa lahat ay ang kanyang panindigan. Kaya naman ay gusto kong tularan sa mga munting aspeto ng aking buhay. Ngunit sa tuwing maaalala ko ang mga kaugaliang ito, hindi ko maintindihan kung bakit hindi magawang gayahin ng mga Pilipino si Crisostomo.
Gabi na pala! Manonood pa ako ng tv patrol
Headlines: Sen. Manny Villar, nagdiwang ng magarbong kaarawan.
Mga Pulitiko nagdagsaan sa Las Vegas para manood ng laban ng pambansang kamao.
Nanay, pinatay ang mga anak dahil sa kahirapan
Presyo ng langis, muling tumaas.
Isang mamamahayag, inambush!
Hindi na ako nagulat sa mga balitang ito, halos araw-araw naman, pare-pareho lang mga balita, may katiwalian sa gobyerno, mga mahihirap na lalong naghihirap, mga inosenteng namamatay at ang mga pagwawaldas ng pera ng mga mayayaman. Ngunit sa lahat nito, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asang tayo ay magbago at magkakaisa tungo sa ikabubuti ng lahat.
Lagi nating tatandaan na sa mundong ito ang panlalamang sa kapwa natin ay hindi mawawala, huwag nating hayaang tapak tapakan lamang tayo, tumayo tayo sa alam nating tama, tulad ni Crisostomo Ibarra lagi nyang pinapairal ang kapantayan ng kapwa walang mayaman, makapangyarihan, mahirap at sunud sunuran lamang. Lahat tayo’y pantay pantay lahat tayo’y may talino upang paunlarin natin ang bayan. Magbabago sa iakakabuti ng ating bayan, tumulong tayo kahit na maliit na paraanlamang. Tulad ng paglulunsad ng proyekto na pagpapakain sa mga mahirap, pbahay at lalalong-lalo na ang pagtulong. Isa tayong demokratikong bansa malaya tayong ihayag an gating mga hinanain na hindi nakikita ng ating mga kababayan. Huwag nating hayaang maliitiin tayo ng mga makapangyarihan. Magkaisa tayong lahat, ayusin natin ito at paunlarin. Wala naming saysay kung tayo’y magaaway away. Pagbabago ang ating isipin. Hindi pa huli ang lahat, kumilos ka Pinoy!.
Ni: Rhexan Ira Marie Daza
Tila kahapon lang! Ang panahon ay madaling lumipas at nakapag bago sa ating lahat. Hindi natin namamalayang ilang araw na ang lumalagas...... Subalit kahit tayo’y namamangha, ganyan lang talaga ang pag-ibig. Pinagsama tayo ng tadhana at nakaraan papaghiwalayin tayo sa sandaling panahon. Ito ay kasama sa pagsubok ng ating buhay at pag-ibig. At ngayon, umaasang may pag-asa pang pagsasamahin muli. Ang ating puso ay inukit upang umibign sa nakatakda para sa atin at hindi naman ito kailanma’y mag-iiba. Gagawa parin ng paraan ang tadhana para mahanap ang kabi-ak nito.
Sa buong magdamag, hinding hindi makatulog ng matiwasay si Elena. Naalala niya si Ramon ng na malapit na malapit nang maglakbay sa Europa upang mag-aral para magamot ang sakit ng kanyang ina. Gumugunita sa kanyang isipan na: ano klung malimutan na siya ng kanyang napupusuan na si Ramon sa kalagitnaan ng karangyaan at kasayahan sa Europa?
Alas 12:00 na ng hating gabi nang si Elena ay makatulog ng bahagya at matiwasay matapos ang malikot na guniguni sa kanyang isipan. Nang magbubukang-liwayway siya ay nagising, namataan niya ang isang panatag na umaga. Ang samyo ng sampagita sa gilid ng kanyang durungawan ay napakabango, ang mga damo ay mala perlas dahil tinatamaan ng maaliwalas na sikat ng araw, at ang mga punong kahoy ay nagsasayawan...... Subalit ang lahat na ito’y hindi Niya nararamdaman, lahjat para sakanya ay walang kulay at walang buhay at hindi parin siya niluloubayan ng kanyang mga guniguni dahil malapit na siyang mangulila sa kanyang iniibig na si Ramon. Matapos angg walang hangganang guniguni ay nag-ayos siya sa kanyang sarili para pupunta sa Luneta Park kung saan muli silang magkikita ni Ramon, dito nagsimulang mamulaklakang kanilang matamis na pag-iibigan. Iloang sandali ay nakita na nila ang is’t-isa, biglang nilapitan ni Ramon si Elena at niyakap ng mahigpit. Habang sila ay nakaupo sa ilalim ng puno ng samoong ay may nahulog na dahon kay Elena, ibinigay niya ito kay Ramon upang tanda ng kanilang pagmamahalang walang hangganan at para lagging maaalala niya si Elena habang siya ay nasa Europa.
Sa wakas, ang kinatatakutang arw ay dumating na..... “Kakayanin ko pa ba ito. Ngayong mawawalay ka na sa akin?”, ang sabi ni Elena kasabay ang pagdaloy ng luha sa aknyang malarosang pisngi. Sila ay nagkatinginan at mga puso nila ay pawing tinutusukan ng matalim na kutilyo at6 dumudugo. Sabi nila sa is’t-isa ay hindi sila mawawalan ng pag-asa at dapat may tiwala lang sa sa Diyos na may lalang.
Sa buong buhay ni Elena ngayon lang ito nangyari at hindi niya ito inaasahan. Ito a pinakamadilim na pagsubok at malapit na pangyayari sa kanyang buhay pag-ibig. “Maging kahapon, ngayon at bukas, ikaw lang ang nilalaman ng puso ko, kahit saanat kalian man ako naroroon ang madamdaming bilin ni Ramon sa iniibig na Elena. “Elena, ako ba’y hindi mo malilimutan at hihintayin mo rin? “ “ Itatak man natin ito sa bato, Ramon. Ipinapangako kong maghihintay ako sa iyo habang buhay na walang sawa”, ang agad na sagot ni Elena.
Nang simulang umalis si Ramon, si Elena ay malimit lamang sa paglabas ng kanilang bahay. Lumalabas lang siya kung pupunta ng simbahan para magdasal ng mataimtim at kung pupunta ng palengke. Siya ay naging matapat kay Ramon habang ito ay nag-aaral sa Europa.
Nang si Ramon ay nag-aaral sa Europa ay naging matapat rin siya sa kanyang iniibig na si Elena at palagi itong nagpapadala ng liham na walang kupas para hindi mangulila sa iniibig.
Matapos ng 7 taong na nag-aaral sa Europa ay nakatapos siya bilang isang dakilang Doktor. Umuwi agad siya sa Pilipinas para magamot ang kanyang ina. Siya ay biglang naging dakila dahil ang kanyang kauna-unahang pasyente ay ang kanyang ina. Pagkatapos magamot ni Ramon ang kanyang ina ay pumunta agad siya sa kanyang iniibig na si Elena. “ Ako ba ay hindi mo nalimutan dahil sa magarang buhay mo sa Europa?” ang sabi ni Elena. “ Aba’y syempre hindi rin kita malilimutan tulad ng ipinangako ko sa iyo bago ako umalis”, agad na sagot ni Ramon sabay na ipinakita ang dahon ng sambong na tanda ng kanilang pagmamahalan. Sa sandaling iyon, ay hindi na ipinalipas ni Ramon ang pagkakataon na iyon at hiningi na ang kamay ni Elena na walang alinlangan pa. “ Sa ngayon, pwede ko na bang hingin ang iyong kamay?” ang tanong ni Ramon. “Oo Ramon! Akoy sasama na sa iyo habang buhay at walang kupas ng ibig sa iyo” ang masayang sagot ni Elena.
Sa kanilang walang kupas ng pagmamahalan ito ay nagbunga ng dalawang makisig, malusog at matatalinong bata na pinangalanang Jamie at Landon.
Ni: Michael John Deanon
Ako’y ipinanganak noong Oktubre 9, 1849 sa isang simpleng tahanan. Ang ama ko’y magsasaka at ang ina ko nama’y nasa bahay lamang. Ako’y pangalawa sa tatlong magkakapatid. Bawat araw lumalabas ako sa bahay at doon kami palaging naglalaro sa damuhan, nagtatawan, nagkukulitan at kapag darating na ang aming mga magulang, kami ay tumatakbo, nagpapahabol sa kanila hanggang hindi na namin kaya. Pagdating ng bahay ay naliligo ako at binibihisan ng aking ina at uupo sa aming sala at mag-aaral kami. Ang kabataan ko’y talagang masaya at walang iniisip kundi ang sarili lamang
Umuuwi si itay pag gabi na at sinasalubong ko siya ng mahigpit na yakap at isang malakas na halik sa pisngi. Binuhat niya ako at pinaglalaruan ako na parang saranggola na lumilipad sa mataas at mapayapang langit. Kakain na agad kami ng masaya na masaya at magkuwekuwentuhan tungkol sa lahat na nangyari sa buong araw namin. Nakakatawa talaga at mas dumagdag pa sa kasiyahan ang masarap na luto ng aking ina, siya na yata ang pinakamasarap magluto sa buong mundo. Mahirap man kami, at simple lang ang mga kagamitan ngunit nagmamahalan naman kami at laging masaya.
Isang araw habang patungo sa aming tambayan, binulagta kami ng isang hiyaw mula sa aming likuran. Isang lalaki ay hinihila ng sundalo at ang kanyang asawa’t anak ay umiiyak na parang sila mismo ang nasa kalagayan niya, naghihingalo at pumipiit na makawala. Pumunta kami ng aking barkada doon kung saan nagaganap ang kaguluhan. Pumilit kaming makapasok sa gitna ng maraming tao, malamig, duguan, maraming sugat na katawan ng tao ang aming nakita. Hindi kami umimik, wala kaming magawa, pinapanood na lang namin ang buhos ng luha ng kapamilya niya, Umalis kami at yung mga kaibigan ko ay nagtatawanan agad parang wala lang nakita, at ako nama’y nasa likod, naglalakd ng dahan-dahan at tinatanog ang sarili ko “bakit kaya kinakailangan pa nilang pumatay ng ibang tao? Hindi ba nila kayang isa-puso ang bawat luha na pumapatak sa mata ng ibang tao kapag sinasaktan ang minamahal nila?” Umuwi ako na dala-dala ang katanungang ito at natulog na mayroong bumubulabog sa aking munting kaisipan.
Lumaki akong isang masunirn na bata kahit na makulit, edukado ako ng kaunti dahil tinuruan ako ng aking ina, at siyempre masayahin pa rin ngunit araw-araw ay may nakikita akong isang kababayan naming na pinapatay ng mga sundalo.Wala kaming magawa dahil ordinaryong mamamayaman lang kami, mahirap at walang kapangyarihan, kaya’t tinatago na lang namin sa pinaka malalim na parte ng puso ang galit at poot na nararamdaman namin. Subalit, sa bawat galit at poot na nararamdaman namin ay may halong takot at lungkot, takot na baka kami ang isusunod na papatayin o kaya ang mga taong malalapit sa amin, lungkot sa bawat tao na namamatay at sa pamilya na naiwan niya. Buhay talaga namin sa bayang ito ay unti-unting nagbabago, mula sa masayang nakaraan ay nagiging laban upang mabuhay sa lupaing kinagisnan.
Naglakad-lakad ako sa sentro ng aming bayan at ganun pa rin ang nangyayari, sigawan ditto, sigawan doon, bangkay dito, bankay doon. Puno na yata ng dugo ang lugar namin at wala na sigurong matitira na mamamayan dito sa sentro ng bayan. Babae man o lalaki hindi pa rin sila pinaliligtas. Sila’y pinahirapan ng husto, kinaladkad sa daan, hahampasin ng isang latigo ang pupugutan ng ulo. Tinitingnan ko lang sila at wala akong magawa. Nanghihinayang ako sa aking sarili, kapwa, Pilipino ako at wala akong magagawa para sa kanila? Umalis na lang ako sa sentro at umuwi na sa amin.
Gabi na nung ako’y makarating sa aming bahay. Umupo agad ako sa isang silya at napaisip tungkol sa aking nakita sa bayan. Tinanong ko ang sarili ko “ano kaya ang mapapala nila kung papaslang sila ng isang inosenteng tao? Tao naman sila eh bakit kailangan pa nila magpatayan?..... Bumuhos agad ang ulan kaya’t yumuko na lang ako habang pinapaikot ang mga katanungan sa aking isipan at pinakikinggan ang bawat patak ng ulan sa aming bubungan. Ilang minuto ang lumipas, may kumatok sa aming bahay. Binuksan ito ng aking inay at nabigla kaming lahat sa sumunod na pangyayari. Bumuglata sa likod ng pintuan ay mga banyagang armadong sundalo at hinatak nila ang aking ina papunta sa labas. Nagsigawan ang lahat. Hindi namin alam ang gagawin. Kumuha ang aking itay ng isang itakat hinabol ang mga sundalo habang ang aking nakakatandang kapatid ay itinago kami ng aking nakakabatang kapatid sa likod ng damuhan na pinaglalaruan naming dati at sumunod sa aming ama. Nandoon lang kami, nilalamig, natatakot, umiiyak. Wala kaming magagawa kundi magtago ngunit ang kababata kong kapatid ay biglang tumayo at tumakbo patungo sa aking ama.
Ako’y natulala sa aking nakita. Tiningnan ko lang siya habang tumatakbo sa ilalim ng ulan. Tumulo ang luha sa aking pisngi. Yumuko muna ako at tinanong ang aking sarili “Susunod ba ako sa kanila?” sinuntok ko ang pisngi ko sabay sabing “Oo! Ang pamilya mo’y nandoon upang iligtas ang iyong inay tapos ika’y nandito nagtatago? Kaya’t tumakbo kana bago mahuli ang lahat”
Tumayo na ako at tumakbo patungo sa kanila. Naghihingalo na ako nang makariting sa gubat na kinaroroonan nila. Nagtago agad ako sa likod ng isang puno dahil baka makita nila ako. Nandoon ang aking buong pmilya, yakap-yakap ang isa at takot sa pwedeng gawin ng mga sundalo. Tumawa lang ang mga sundalo sa kanilang nakitkita. Tumayo ang aking ina at nilapitan ang punong sundalo at lumuhod. Nagmakaawa na siya na lang ang patayin huwag lang ang kanyang pamilya. Pinag-isipan ito ng punog-sundalo at sumang-ayon sa hiling ng aking ina. Tumayo siya at tumalikod sa mga sundalo at humarap sa aking ama’t kapatid. Nagbilang ang punong-sundalo ng tatlo at pinaputukan na ang aking ina. Umalis agad ang mga sundalo habang nagtatawanan. Nilapitan naming lahat ang aking ina. Umiiyak kami habang hapang pinagmamasdan siya. Nakangiti pa rin siya at sinabi sa amin “Huwag kayong mag-aalala, munting sakripisyo lang ako upang makamtan natin ang ating kalayaan. Huwag kayong umiyak para sa akin. Dapat ninyong iyakan ang ating inay na patuloy nag nagdurusa sa kamay ng mananakop. Gusto ko makita ang inyong mga munting ngiti kapag nakamtan na natin an gating inaasam-asam kaya’t lumaban kayo. Gagabayan ko kayo mula sa itaas kaya’t tama na ang pag-iiyakan at simulan na ang dapat nating ginawa nung una pa lamang. Mahal na mahal ko kayo.....”
Namatay na ang aking ina. Lumakas ang buhos ng ulan habang kami ay umiiyak. Nangako kami sa aming ina na lalaban na kami upang makamtan ang kalayaan ng ating bansa. Humukay kami ng isang malalim na butas at doon inilibing ang aming ina. Nagtanim kami ng bulaklak, palibot ng puntod ng aming ina. Nagsabi kami ng huling dasal at paalam at bumalik kami sa aming tahanan at nagpahinga.
Pagkasunod na araw ay umalis na kaming lahat sa aming bayan at sumali sa mga rebolusyunaryo at sisimulan ang huling kahilingan n gaming ina. Lumaban kami ng buong giting. Dugot’ pawis ay isinakripisyo sa bawat laban na dinadaanan. Umuuwi sa kampo na puno ng dugo ang damit at dala-dala angnasawing mga kapwang rebolusyunaryo. Hindi makatulog tuwing gabi dahil sa pangambang sasalakayin ng mga banyagang sundalo ang kampo kaya’t tinitingnan na lamang ang mga kumikinang na mga bituin at iniisip na isa doon ay ang aking ina na bumabantay sa amin mula sa kalangitan.
Pumunta kami pabalik sa aming bayan at doon itinayo ang bagong kampo at doon kami nadestino ng aking ama at kapatid. Masayang masaya kami dahil nakabalik kami sa aming bayan. Pumunta agad kami sa aming lumang bahay at binabalik ang mga alaala na natatago sa bawat bagay na naroroon. Kumuha kami ng bulaklak doon sa may damuhan na pinaglalaruan ko dati at pupunta sana kami sa puntod ng aming ina ng makarinig kami ng isang putok ng baril. Itinago ko ang isang pirasong bulaklak sa aking damit at kinuha ang aking baril.
Nagpuputukan na, mga balang lumilipad sa ere at tumatama lang kahit saan, mga katawan na nakahandusay sa daan at dugo na dumadaloy sa buong bayan. Binuhos namin an gaming makakaya sa laban. Natamaan ang aking nakakatandang kapatid. Nilapitan ko siya at sinbi niya na “Huwag mo akong alalahanin, basta’t lumaban ka para sa ating bayan”. Tumulo ang luha ko at nagalit ako sa mga sundalo kaya’t sumulong ako na walang takot. Nasa unahan ko ang aking ama at nakakabatang kapatid, kaming tatlo na lang ang natira sa amin na rebolusyunaryo. Patuloy sa pagbabaril ang mga sundalo at natamaan ang aking ama at pagkatapos ng ilang minuto, ang kapatid ko naman ang natamaan. Wala na akong nagawa kundi tingnan ang kanilang bangkay. Nagtago ako sa kagubatan kung saan naroroon ang puntod ng aking ina.
Naglalakad ako ng dahan-dahan, hindi alam kung saan pupunta. May narinig akong isang iyak ng bata. Hinanap ko ito at nakita ko siya malapit sa puntod ng aking ina. Dalawang bangkay ang nakahandusay sa harapan niya, ang kanyang ina at kanyang kapatid. Sinamahan ko siya sa kanyang paghihinagpis. Biglang may isang sundalo ang nakakita sa amin at agad niya akong pinutukan. Dali-dali kong kinuha ang aking baril, ngunit na tamaan na ako sa aking dibdib pero nagawa ko pa rin na barilin ang sundalo. Natamaan siya sa kanyang ulo at agad-agad siyang namatay. Nakahandusay na ako sa lupa at tinitingnan ang puntod ng aking ina. Kinuha ko ang bulaklak sa aking damit. May bahid ito ng dugo at inilagay ko ito sa puntod ng aking ina. Umiiyak ang bata habang tinitingnan niya ako. Hinawakan ko ang kanyang kamay at sinabing “Huwag kang umiyak, isang munting alay lang ako para sa kalayaan ng ating bayan. Malapit na natin makamit ang inaasam-asam nating kalayaan kaya’t kunting tiis na lang at makikita mo na ang pagbukang liwayway ng ating bayan ngunit huwag mong kalimutan ang mga taong nagbuhis ng kanilng buhay para sa ating kalayaan lagi mo yang tatandaan”.
Nawalan na ako ng hininga, ipinikit ang aking mata at bakas ang ngiti sa aking labi.
Ni: Shara Mae Disomangcop
Ano pa nga ba ang mas tatamis sa tunay na pagmamahal?
Alas syete na! nagmamadali kong inubos ang aking almusal at saka kinuha ang aking baon sabay halik sa pisngi ng aking mga magulang. “Buti na lang nakasakay ako agad”, sabi ko sa aking sarili. Habang papunta sa paaralan aking napagmasdan ang ating lugar. May mga bata akong nakita,nakaupo lang at tila hindi pa naka ligo. Nakakapagtaka. Hindi ba sila mag-aaral? At heto pa yung baliw na parati naming nakikita ng aking mga kaklase. Naninigarilyo nanaman siya at namumulot ng mga kalat sa labas ng isang unibersidad. Ngunit kahit papaano ay nakakatulong siya sa ating lipunan sa paraang maluwalhati. Hindi ko namalayang dumating na ako sa paaralan. Bumaba ako at inabot ang aking bayad. Lumapit sa akin yung batang babae na humuhingi ng pera, kasama pa niya ang kanyang kapatid at doon sa isang tabi nakaupo ang kanyang ina. Iniabot ko sa batang babae ang sukli ng aking bayad.
Buntong hininga.
Hindi natin maikakaila ang kahirapan na ating pinagdadaanan. Kahirapan na hindi lang dulot ng kakulangan sa pera kundi pati na rin ng mga diskriminasyon. Ang kahirapan ding ito ang nagdudulot ng iba’t ibang kapansanan sa mga taong bayan. May mga nababaliw ng kahirapan, isang halimbawa nito si Sisa mula sa nobela ni Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere. May mga hindi makalakad, hindi makapagsalita o di kaya ay hindi maka galaw ng maayos. Ang lahat ng mga ito ay mga kapansanan ngang maituturing, ngunit ano nga ba ang tunay na kapansanan?
Ang kapansasnan ay hindi lamang dahil hindi makarinig ang isang tao, hindi dahil hindi makakita o di kaya ay kulang kulang ang parte ng katawan. Ang kapansan ay napapatungkol sa mga taong nakakarinig ngunit hindi nakikinig, mga taong nakakakita ngunit nagbubulagbulagan. Maituturing ko na ang ang ating lipunan ay may malubhang kapansanan. Marami sa atin ang nakakakita ngunit hindi iminumulat ang mga mata sa tunay na kalagayan ng ating mga lipunan. Nakakakita ngunit nabubulag ng kasakiman, karangyaan, kapangyarihan at kayamanan. Nabubulag tayo ng ningning. Tayo’y nakakarinig ngunit hindi natin pinakikinggan ang ang hinaing ng kanilang mga puso at mga pagsusumamo nila.
Naniniwala ako na ang diskriminasyon ay naririto pa rin hangga’t hindi pa nagagamot at napagtutuunan ng pansin ang kapansanan ng ating lipunan. Lumipas na ang panahon, nawala na ang mga mananakop ng ating bansa, napatalsik na si Marcos, nakamit na natin ang demokrasya, namatay na si Cory ngunit nandito pa rin ang diskriminasyon. Ramdam ko pa rin ito. Pinandidirihan ang mga mahihirap, ina alila at ina alipusta ang mga taong mas mababa ang kalagayan sa lipunan, pinaglalantaran sa mga pahayagan o telebisyon ang mga nagkakasala sa batas na naniniwala sa Relihiyong Islam bilang isang muslim at hindi bilang isang Pilipino. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit pag Kristiyano, Protestante, Born Again o di kaya ay Alliance ang may sala, hindi naman inilalagay kung anong relihiyon nila? Pilit mang ikubli ang katotohanang ito, pero sino pa ba ang maaaring kumaila nito? Dalawa lang
ang maaaring maidulot nito, napipilitang maging pipi ang mga ito tungkol sa ating lipunan dahil sa takot; o pilit silang manlalaban upang ipagtanggol ang kanilang sarili o di kaya ay para sakanilang karapatan.
Ang mga ito ang masasabi kong bumabalakid sa ating kaunlaran. Ang kahirapan, mga diskriminasyon at higit sa lahat ay ang kapansanan ng ating lipunan. Isa lamang ang naiisip ko na maaring maging solusyon nito,ang edukasyon. Naniniwala ako na hindi lamang mga kaalaman ang maaari nating matutunan kundi mga “morals and values”, katulad ng pagmamahal sa ating bayan at mga kababayan pati rin ang pagkakaisa. Ang mga ito ang tutulong sa atin na supilin ang mga balakid na ito patngo sa kaunlaran at upang makamit ang tunay kalayaan na maaring maging mas matamis pa sa tunay na pagmamahal. May mga nawalan man ng paniniwala sa sinabi ni Rizal na “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Ngunit patuloy parin ang aking pag-sa na hindi man ang mga kabataan ang magiging susi ng pagbabago sa ating lipunan pero sila ang magiging pinuno sa hinaharap, na maaring mahubog at magtatala ng panibagong buhay sa mga Pilipino. Ito ang pakatatandaan, nasa ating mga kamay ang gusto nating pagbabago at nawa’y huwag nating kalimutan na “Lalong gaganda ang kinabukasan kung tayo’y may pinag-aralan”.
Ooops!! Time na pala! Nagmamadali akong pumasok sa silid-aralan upang iwan ang aking bag at dali-daling pumunta sa field.
Ni: Novieleen Durana
Bumagsak muli ang malakas na ulan,
Kaylamig ng ihip ng hangin na aki’y nararamdaman.
Mga patak na kasing bigat ng problema,
Na parating nandyan, bigay lahat ng ating tadhana.
Bakit nga ba ganito ang ating kuwento ng buhay?
May mga mababait na kaibigan at meron ding kaaway.
May malungkot at masaya na pahina,
Mga pahina ng ating buhay, na tayo mismo ang nagpuna.
Kahit ganun pa man, ipinahahalagahan natin ang lahat,
Lalo na ang mahal nating mga magulang, mga magulang na tanging karapat-dapat.
Sila ang nagbigay kahalagahan nang tayo’y musmos pa lamang,
Mula sa pagiging musmos, ngayo’y malaki at matapang.
Ngayo’y matanda at uugod-ugod na sila,
Tayo naman ang bibigay ng isang mahalagang gantimpala.
Pag-aalaga at pagmamahal lang ang kaya nating ibigay,
Pero kailangan nating gawin ito, hanggang sa sila’y sumakabilang buhay.
Ni: Kelvin Clyde Escoto
Walang sino man ang makapagsasabi na ang bayan ay hindi nasusundot ng matulis na patalim. May mga panahon ding ang bayan ay nadadapa, nabubulag, nabibingi kung minsan pa’y nauutal, hindi makapagsalita sapagkat pinipi ng mga balakyot na dayuhan na nag dala ng kaliluhan at nilugmok ang ating bayan sa kahirapan.
Pero sino nga ba ang hindi mahahalina sa magandang Pinas? Sino nga ba ang hindi mararahuyo sa yumi nito? Subalit siya’y nagdusa datapwa’t may mga taong naging kanyang ilaw sa oras ng kadiliman, mga taong nag-silbing tanggulan laban sa kanyang mga kalamas sa panahon ng kaguluhan.
Ipakilala mo na lang ako sa pangalang Corazon. Isa akong sa mga libong tao na pinipi ng mga dayuhan. Ito ang isa sa aking liham noon na nanggaling pa sa aking asawa, isa rin sa mga matatawag na bayani ng ating bayan na nag-buwis ng kanyang buhay kapalit ang kalayaan.
Balik sa taong 1973.
Katatapos ko lang mag-linis ng bahay at ako’y pagod na pagod na. nag mamasid sa duruwangan ng may dumating na kartero at iniabot sa akin ang sulat at binuksan ko ito.
======================================================================
Sampaloc Street,
Binondo, Maynila,
Ika-15 ng Oktubre, 1973
Mahal Kong Corazon,
Hindi ko alam kung papano ko sisimulan ang aking mga dapat sabihin at salaysayin sa iyo tungkol sa mga pangyayari na hindi ko alam kung ito ba’y kagandahan o kabaligtaran. Nandirito pa rin kami ngayon, nakikipaglaban. Kapag natanggap mo ang liham na ito ay huwag kanang umasa pang ako’y babalik muli diyan sa atin sapagkat matindi ang sugat ko at hindi ko alam kung hanggang saan nalang ang aking buhay. Pasensya na’t baka ito na ang huling liham na matatanggap mo sa akin. Itago mo ito at naway magsilbing munting ala-ala mo mula sa akin.
Huwag na huwag mo akong bibiguin sa pag-arok ng ating mga panarap. Ang mga anak natin, sana ay hindi mo sila pababayaan. Para sa inyo rin naman itong ginagawa ko.
Hirangin ninyo kaming mga bayaning nag buwis ng aming buhay para sa kalayaan ng Inang Bayan. Sapagkat kayo’y masuwerte at makakamtan ninyo ang adhikaing kalayaan.
Huwag mong damdamin ang matinding siphayo sapagkat saan kaman mamalagi ay naroroon lamang ako at gagabayan kita. Mahal na mahal kita. Nawa’y hindi lumisan sa puso’t isip mo ang salitaan kong ito.
Pahuling Sabi: Iniibig kita kahapon, ngayon, bukas at sa dunggot ng kamatayan.
======================================================================
Hindi ko alam kung ipagmamalaki ko ba siya o dapat ko ba siyang pinigilan noon para sana ay nasa tabi ko pa siya. Pero napaka suwerte ko dahil may asawa akong bayani na namatay upang maarok ang kalayaan. Ngayon, ang mga anak ko’y propesyonal na. ang panganay ko ay isang Doktor, ang ikalawa ay isa ng alagad ng batas at ang pang huli ay magatatapos na ng abugasya. Masasabi ko lamang na hindi ko binigo ang aking asawa sa pag-arok ng aming mga pangarap.
Lubos na Gumagalang,
Corazon
=======================================================================
Ang lahat ng magagandang bagay ay may katapusan. Ang bawat liwanag ay may katumbas na kadiliman. Hindi sa lahat ng panahon ay makakatikim tayo ng sarap ng buhay. May mga pagsubok rin tayong hinaharap at dapat lagpasan. Mga pagsubok ng sumusukat kung hanggang saan nga ba talaga tayo. Mga pagsubok na tayo’y dinadapa at natututuhan rin nating tumayo. Ito’y nagpapahiwatig na lamang na sa bawat pgsubok ay nagiging bayani tayo sa ating kapwa at maging sa ating sarili.
Ni: Cris Min Stephen Fuentes
“Buhay pa ba ang mga lahing Ibarra sa makabagong panahon?”
Ito ang katanungang gumugulo sa aking isipan habang ang librong “Noli Me Tangere” na inakda ni Dr. Jose Rizal ay nakalapag sa aking dibdiban. Hindi talaga ako mapakali kaya’t panay palit ko ng posisyon sa aking higaan. Sumagi sa aking isipan ang mga kababayang hinangaan ko sa ngayong ika-21 siglong dahil angkin nila ang mga kaugaliang ipinagmalaki ni Crisostomo Ibarra?
Crisostomo Ibarra? Bakit nga ba’t napili ko si Crisostomo Ibarra?
Si Crisostomo Ibarra, bilang isang napakahalagang karakter sa librong “Noli Me Tangere’ ay isa rin siyang parte ng ating kaugaliang Pilipino. Mga kaugalian ni Crisostomo Ibarra ay nagpatibay at nagpatatag ng dugong Pilipino. Mula sa magandang kabuhayan doon sa San Diego’y pinili niyang mangibang bansa upang matuto pa ng ibang kulturang dayuhan, makapagtapos ng pag-aaral, at mamuhay ng simple lamang. Naging mapursiging tao siya lalo na nung tinuklas niya ang nangyari sa kanyang ama kahit na alam niya na mahihirapan siya.
Tulad ni Crisostomo Ibarra’y nangibang bansa rin ang ating kababayang Pilipino. Sa ngayong ika-21 na siglo’y mga kilalang iskolar ng bayan nati’y nagpatingkad ng lahing Pilipino. Iniwan nila ang bayang sinilangan maging magaling lamang sa kanilang larangan. Mga kapatid nating mga Pilipino’y napakabukodtangi talaga. Mga ama natin ngayo’y nagsusumikap rin tulad ni Crisostomo Ibarra sa araw-araw nilang paglalayag. Sila’y nagsasaliksik ng mga magagandang trabaho upang mapalamon ang mga munting bibig ng pamilya. Maging ang mga taong nakaranas ng pagtkatalo’y may bahid ng lahing inilathala. Sa pagpupursigi nilang manalo, nakamit nila ang matamis na pagsasalo.
Nang matapos isaisip, maalala, at isaisahin ang mga taong naimplwensyahan ni Crisostomo Ibarra ay ako’y napatingala at napaisip. Kahit sino naman pala’y pwedeng magbagong buhay at tumahak ng ibang landas para sa ikabubuti ng ating inang bayan. Ipagsigawan natin ang lahing Ibarra! Sa ngayong siglo 21, lahing Ibarra ay makakamtan . kaya’t walang iwanan sa bayan ni Juan.
Ni: Charisse Anne Igaran
Naipinid ko ang aking mata,
At piping winika ang panibugho ng aking puso.
O aking mahal!
Nasaan ka na gumagala?
O ika’y manatili’t makinig,
Sapagkat akong irog mo ay sasamahan ka,
Sa iyong walang katapusang paglalakbay.
Halika at ako’y iyong halikan,
Nang matamis at magaan,
Sapagkat ako’y namaliw ng lubos sa iyong pagsinta.
Pilit na ginugunita ang bawat pagdaiti ng ating mga kamay,
Animo’y kuryenteng gumagapang.
Ang bawat yapos mo ay,
Tila panangga sa bawat sibat.
Sinta ko!
Ano ba talaga ang pag-ibig?
Sapagkat ako’y sadyang natutuliro,
Sa masayang pagbukas ng iyong labi na katumbas ng aking buhay.
Naibuka ko ang aking mata,
Na may luha hatid ng iyong pagkaparam.
Aking mahal!
Ikaw ba ay isang masaklap na alala?
Ni: Charene Kristelle C. Jumilla
Mapalad ang lahing kayumanggi dahil nagkaroon tayo ng isang Rizal.
Sa kabila ng kanyang malaking kaabalahan na sakit ng lipunan kaya’t itoy inihanap niya ng lunas, ang pagsulat ng Noli Me Tangere na hinango sa Ebanghelyo ni San Juan sa Bagon Tipan na nangangahulugang “ Huwag mo akong salingin. ”
Nais ilarawan ni Rizal sa kanyang akda ang kawalang pag-asa sa ikagagaling ng bayan sa naturang karamdaman. Isinulat niya ito upang gisingin ang mga Pilipino at ang susunod pang salinlahi sa kanilang kalagayan at kung maaari nila itong lunasan, malaman ang sariling kapintasan at kahinaan nang sa gayo’y kanilang maiwasan at maiwasto ang kamalian.
Sa ating kaalaman, ipinaliwanag ni Rizal sa kanyang liham na ang matalik na kaibigang si Dr. Ferdinand Blumentritt ang mga dahilan kung bakit niya isinulat ang nobela.
Una, upang matugunan ang paninirang puring ipinaratang ng mga kastila sa mga Pilipino at sa bansa. Pangalawa, maiulat ang kalagayang panlipunan, uri ng pamumuhay, mga paniniwala, pag-asa, mithiin o adhikain, karingan at kalungkutan. Pangatlo, maihayag ang maling paggamit ng relihiyon na ginawang dahilan o sangkalan sa paggawa ng masama. Pang-apat, maipaliwanag ang pagkakaibang tunay at di-tunay na relihiyon, at ang huli ay gumamit ng pamahiin at banal na salita upang makakuha ng salapi at mapaniwala ang mga tao sa mga bagay-bagay na mahirap matanggap. Panglima, upang mailanatad ang kasamaang nakukubli sa karilangan ng pamahalaan at ang panghuli ay mailarawan ang mga kamalian, masasamang hilig, kapintasan at kahirapan sa buhay.
Ayon kay Rizal, ang kanyang bayan ay may sakit na kanser na panlipunan at ito’y kailangang ilantad, sugpuin at ihanap ng lunas.
Ang laman ng Noli Me Tangere ay nag patunay lamang na noon ay meron ng mga ginagawang katiwalian ang mga pamahalaan at ang simbahan din. Ginagamit ang simbahan upang makakuha ng malaking halga sa mga taong mayayaman at pati mga pari ay ginagawa rin ang mga ito. Para sa iyo, ano ang dahilan kung bakit nila ito nagagawa na sa gayong alagad sila ng Diyos?
Yan ang mga katanungang laging nasa ating utak. Di pa natin alam kung ano ang mga kariktan sa ating buhay. At ang tanikala ng buhay noon, ay walang pinagkaiba sa buhay natin ngayon. Paano na lamang bukas? Huwag nating kakalimutang tayo’y nasa bansang demokrasya. Pantay-pantay ang lahat ng tao sa lipunan at higit sa lahat sa mata ng Diyos.
Huwag din nating kakalimutang tayo’y disenyong nilikha ng Diyos, na kung saan ay may kanya-kanyang kakayahan at ang kakayahang yan ay dapat gamitin sa tama at huwag sa mali.
Ni: Blaine Joseph Langub
Dati-rati’y, hindi tayo magkakilala.
Hindi ko akalaing, sa paaralan pa tayo magkikita.
Sabay tayong pumasok at magkaklase pa,
At ang kasiyahan ko ay doon nagsimula.
Hindi kita makausap; di ako mapalagay.
Ang tagal din ng panahon na aking hinintay.
Sa isip ko’y wala na talagang pag-asa,
Subalit diyos ay nagbigay ng daang tamang-tama.
At sa araw na iyon, ika-14 ng Hulyo,
Nagkaroon ng pagkakataong ika’y kilalanin.
Nilapitan kita at sinimulan ang pagsasalita.
Ngunit, agad kang tinawag at nahinto bigla.
Nung araw na iyon ay napakasaya ko,
Dahil nakausap ko ang “IKAW” na ninanais ko.
Hindi pa doon nagtapos ang mga alaala mo,
Dahil higit pa roon ay naging magkaibigan tayo.
Sampung oras sa isang araw,
Limang araw sa isang linggo,
Lagi kitang kasama at bakas ang tuwa sa mukha ko,
Kapag sabay tayong kumain, lagi tayong tinutukso,
Akala kasi nila noong araw ay tayo.
Hindi na makayanan ng tadhana,
Pag-ibig ko sa iyo’y hindi na basta-basta.
Dahil nga sa lagi tayong nagsasama,
Nadarama ko para sa’yo ay nag-iiba na.
Tanging pangarap ko’y huwag kang mawala sa akin,
Dahil sa isip at puso ay ‘di ko kakayanin.
Hindi magbabago ang pagmamahalan natin,
Kahit anong mangyari, pag-ibig ko’y sa’yo pa rin.
Ni: Abril Ma. Lebanan
Sa aking paglalakbay sa daan ng buhay, marami akong masasalubong sa daan. Mga bagay-bagay na ngayon ko lang nakita, mga pangyayari kailanma’y hindi ko inakala na mangyayari at mga taong hindi ko namamalayn na paparating at magtatagpo sa ating buhay. Tinanggap natin siya ng buong puso at ng walang pinagaalinlangan. Unti-unti ko siyang nakikilala at nagkaroon din ng mga magagandang ala-ala. Ngunit, sa bawat oras na nagdaan, ang kanyang mga itinatagong ugali ay unti-unting lumalabas. Mga ugaling masama at makakasira, hindi lamang sa atin, pati na rin sa kanyang sarili.
Alagad ng Diyos kung ituring. Pinaglilingkuran ang Diyos na Maykapal na walang hinihintay na kapalit, iyan ang mga relehiyosong tao tulad ng mga pari. Mianamahal ang bawat mamamayan, mahirap man o mayaman, itinatrato lahat nang pantay, ito ay ilan sa mga katangian ng mga pari. Pero ibahin mo itong si Padre Damaso!
Si Padre Damaso ay isang Pransiskanong pari na kailanma’y hindi masusukat ang pananampalataya sa Diyos. Siya’y mabuti sapagkat siya’y walang itinatagong kasamaan, tulad na lamang ng pang-aalipusta, pag-mamaliit at pagbibigay ng walang galang sa mga Indiyo. Pero, ito’y pawang kasinungalingan lamang dahil inaabuso niya ang kanyang kapangyarihan na ibinigay ng mga Kastila sa kanya, kaya’t maraming Pilipino ang nagdurusa sa kamay niya
Kung iniisip mong si Padre Damaso lamang ang nagtataglay ng mga kaugaliang ito, nagkakamali ka... Maraming Pilipino sa makabagong panahon ang nagtataglay ng mga kaugaliang ito. Tulad na lang ng mga pulitiko, sila’y inuluklok ng mga taong bayan upang sila’y mamuno tungo sa kaunlaran ng bayan ngunit anong ginagawa nila ngayon? Lahat ay nabulag ng kapangyarihan at walang inaatupag kung di ang payamanin pang lalo ang sarili. Sa mga araw ng pangangampanya, tila ba sila’y parang anghel na hulog ng langit ngunit, kung maihahalal na, unti-unting nagbabalatkayo sila. Hindi mo aasahang magagawa nila ang lahat ng katiwaliang ito.
Hindi lang dito nagtatapos ang kanilang masasamang kaugalian. Sa ngayon, ang gobyerno na mismo ang pumapatay sa sariling bayan. Hindi naman ibig sabihin nito na pinapatay nila ang bansa mismo, kundi pinapatay nila ang karapatan ng bawat mamamayan na bumubuo sa isang bayan. Kapangyarihan ay inabuso para lang masilbihan ng kapwa kababayan. Tayo ay unti-unting nabubulag ng ningning ng pera, nabibingi sa mga kanilang pangakong hindi naman natutupad at winasak ang dangal, sa pag-aalipin sa mga kababayan at ikinulong sa isang bilangguan.
Ngayon ay nakikita na natin ang epekto ng ginagawa ng sariling kababayan sa atin kaya’t gumalaw na tayo at iligtas ang ating sarili sa pagkabilanggo. Tanggalin ang harang sa ating mga tenga at makinig sa ating puso kung anong dapat nating gawin. Huwag magpapabulag sa perang ginagamit nila para sila’y maligtas sa lahat nilang kasamaan. Marami na ang nagdusa sa kamay ng pamahalaan at marami na din ang namatay sa kanilang kagustuhan. Huwag nating sayangin ang buhay na pwede nating iligtas sa kadiliman at ibalik sila sa liwanag. Ibalik natin ang sigla ng ating bansa at itayo muli ang bandila ng Pilipinas mula sa pagkapunit nito.
Ni: Elyssa Lee
Ika-1 ng Marso taong 1994 mayroong isang sanggol na ipinanganak sa gitna ng kabukiran, pinangalan siyang Ellsa Dimakilala. Pinalaki si Ellsa ng mabuti ng kanyang mga magulang, tinuruan siyang maging masunurin, mapagmahal at higit sa lahat ay ang maging matatag sa pagharap ng mga pagsubok at hamon ng buhay. Sa edad na 16 si Ellsa ay maagang naulila, ang nanay ay namatay dahil sa nahulog na niyog na tumama sa kanyang ulo at ama nama’y aksidenteng nainom ang “pesticide”.
Dahil sa pagkamatay ng kanyang mga magulang nagdesisyon si Ellsa na pansamantala muna makikitira sa kanyang tiyahin habang hindi pa ito nakakahanap ng trabaho.Ilang buwan pa ang lumipas at hindi pa rin makahanap ng trabaho si Ellsa kaya napagpasyahan nitong lumuwas na lang ng Maynila upang doon makipagsapalaran.
Pagdating ni Ellsa sa maynila ito’y manghangmangha sa nakita; mga naglalakihan gusali, napakaraming sasakyan at higit sa lahat ay ang kanyang idolo na si Mommy Dionisia.
Napatalon sa labis na kaligayan si Ellsa ng makita si mommy D. sapagkat kay tagal na nitong minimithing makita siya ng personal. Hindi namalayan ni Ellsa na gumagabi na pala. Minabuti na lang niyang maghanap ng matutuluyan at mapalad naman siya dahil may nagmagandang loob na tumulong sa kanya upang makahanap ng matutuluyan, tinuro sa kanya ng matandang babae ang isang bakanteng apartment sa tabi rin ng tinutuluyan nito, dahil sa sobrang pagod ni Ellsa hindi niya nagawang pasalamatan ang matandang tumulong sa kanya. Kinabukasan nang maalala niya ang matanda agad niya itong hinanap at nagpasalamat at iyon na naging hudyat ng kanilang pagkakaibigan.
Sa ilang buwan na pamamalagi ni Ellsa sa Maynila wala itong inanaksayang panahon, halos araw – araw ay naghahanap siya ng trabaho. Isang araw mayroong nakasalubong si Ellsa na isang babaeng namamalimos na tila ba ilang buwan ng kumakalam ang sikmura, dahil sa sobrang awa ni Ellsa minabuti niyang ibigay na lang ang biniling tinapay na dapat ay panaghalian niya. Dahil sa kabutihang asal na ipinakita ni Ellsa maraming biyaya ang natanggap niya , nakahanap siya ng matinong trabaho.
Sa dalawang taon niya sa maynila hindi lahat ng karanasan niya ay magaganda. Mayroong mga pagsubok na kinaiilangan niyang pagpakatatag upang ito’yu malagpasan. Marami tao nilalait at minamaliit siya ngunit siya hindi nagpatalo sa lahat ng mga taong ang tangin sa kanya’y mangmang. Sa tuwing may manlalait sa kanya ang iniisip niya na lang ay mas mabuti pang maging mangmang kaysa magkaroon ng kasuklamsuklam na pag-uugali.
Habang papauwi na si Ellsa sa kanyang tinutuluyang apartment bigla itong kinagat ng asong gala. Hindi pinansin ni ellsa ang sugat na naidulot ng kagat ng aso. Kaya namatay io sa impeksyon.
Tulad ni Crisostomo si Ellsa ay hindi sumuko sa lahat ng pagsabok sa buhay niya. Hindi siya nagpatalo, hinarap niya ito ng buong tapang. Kung maari lang sanang lahat tayo.
Ni: Bai Ridah Macasayon
Sa totoo lang, hindi ko alam kung papaano sisimulan ang sanaysay ko. Wala akong maisip na paksa, gusto ko sanang paksa yung pang-aalipin sa mga Pilipino pero marami nang gumawa kaya iibahin ko na lang ang sa’kin. Nagtataka ka ba kung bakit “Sangkap Pinoy!” Ang napili kong pamagat?...... Sangkap Pinoy! kasi habang kumakain ako ng PEEWEE, nakita ko yung tatak na “FORTIFIED SANGKAP PINOY” kaya naisipan kong ito na lang ang gawin kong pamagat total maganda naman at may kaugnayan sa naisip kong paksa. Gusto mo bang malaman kung tungkol saan ang paksa?...... Sikreto..... hehehe.... basahin mo muna lahat..... sige na sisimulan ko na ang aking sanaysay bago pa tayo mawili sa pkikipag-usap.
Kilala mo ba si Crisostomo Ibarra ng nobelang Noli Me Tangere?
Si Crisostomo ang pangunahing tauhan sa Noli Me Tangere, siya ang binatang mas ninais na mamalagi sa sariling bayan sa kabila ng lahat ng oportunidad sa ibang bansa. Mas ginusto nitong paglingkuran ang mga kababayan, handa siyang tulungan ang lahat ng Pilipino na walang hinihintay na kapalit. Siya, si Crisostomo, ang Pilipinong higit na tinangkilik ang tradisyon at kulturang Pilipino. Sa pitong taong paninirahan sa ibang bansa, hindi niya nalimutan ang lahat ng kaugaliang Pilipino, hindi niya nakalimutan ang wika ng kanyang bansa at higit sa lahat, hindi niya ipinagpalit ang paboritong TINOLA uhmm! Sarap!
Datapwat ang lahat ng kaugaliang tinatangi ng binata, si Ibarra, kung isa mang sagisag o simbolo kung kaituturing, lahat nito’y nasupil dahil sa modernasyon. Unti-unting naglahgo lahat ng kaugaliang namumukod tangi at kaugaliang maipagmamalaki ng lahing Pilipino. Lahat ng mabuting kaugalian ni Crisostomo’y nakalimutan ng lubos at marahil ibinaon na sa limot.
Kung si Crisostomo’y ninais na manalagi sa sariling bayan, ito’y kabaligtaran ng mga pangyayari sa makabagong panahon. Halos lahat na ng Pilipino’y hindi magkaugagang lisanin an gating bayan upang doon makipagsapalaran at mas pinipili pa nilang pagsilbihan ang ibang lahi kaysa sa mga kababayang higit na nangangailangan. Tulad na lang ng mga narses, guro at inhinyero. Dahil dito, maraming Pilipino ay patuloy na nagdurusa dahil wala ng mahuhusay na narses ang magaasikaso’t magaalaga sa kanila, marami ring mga studyante ang nagiging mangmang dahil sa kakulangan ng mahuhusay na guro at ang mga gusali o tulay ay hindi mapakinabangan sapagkat wala ng magaling na inhinyero ang magpapatayo niito. Masakit mang aminin ngunit ito ang katotohanan, may mga Pilipinong nasa Pilipinas ngunit ipinalalagay ang mga sarili sa ibang bansa. Nais nating makasabay sa mabilis na pagbabago kaya’t isinasasantabi natin ang iba. Tayo’y nagiging makasarili!!!!
Kailan ka huling bumili ng produktong “Made in the Philippines”? at kalian ka huling tumikim ng pagkaing “Sangkap Pinoy”?....
Hindi natin maikakailang halos lahat na ng Pilipino’y nahuhumaling sa produktong “imported”, ako rin mismo’y nahuhumaling dito. At kahit na higit na mas mahal ang mga ito, ayaw paring magpaawat ang mga Pinoy sa pagbili nito maging gamit o pagkain man. At dahil sa walang tigil na paglipana ng mga produktong banyaga, marami sa ating mga kababayan ang nalulugi sa sariling bayan at ang nakikinabang nama’y mga banyagang dati-rati nagpahirap at umalipusta sa atin. Tayo mismo ang pumapatay sa kabuhayan ng kapwa nating Pilipino.
Bonjour! Hola! Hello! Alam mo kung ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling wika?
Ang wika ay ang kaluluwa’t salamin ng isang bansang malaya, ngunit anong nagnyari sa atin? Pilit tayong nagpapakalubhasa sa iba’t ibang wika. Nawala ang puso’t isipan ng mga Pilipino sa Pilipinas. Madalas nating naririnig ang mga guro sa paaralang magsabi ng “Class, please speak in English”, at kung minsan, halos magkabalibaligtad ang dila ng iba sa kaka-ingles, ayos lang basta magmukha lang sosyal. “Hi guys! Its so bery hot here lets going to mall and shoffing”.
Hindi masamang pag-aralan ang wikang dayuhan, sa katunayan, ito’y kayaman ng diwa, isip at pagkatao ngunit, mas maganda kung mahalin muna natin ang sariling atin sapagkat naniniwala akong ang pakikipaglastasan o pakikipagunayan ay magkakaroon lamang ng kabuluhan kung ito’y ipababatid sa wikang higit na maiintindihan ng tagapakinig.
Hindi masama ang pag-unlad at pagbabago ngunit kinakailangan nating isagi sa ating puso’t isip na ang pagbabago ay hindi ang paglimot sa mga mabubuting kaugalian at pagtalikod sa nakalipas bagkus, ito’y pagpapatuloy natin ng magagandang kaugalian at tradisyong nagpapakilala ng ating lahi. Huwag natin hintayin ang araw na mawala ang Pilipino sa Pilipinas..... ang Pilipinas sa mga Pilipino....
Ikaw, ano pang hinihintay mo, ang tuluyan kang maging banyaga sa sarili mong bayan?
Ni: Chedee Marie Magallanes
Umaga na naman at ang araw ay muling sisikat,
Ngunit para sa mga Pilipino ang liwanag ay ‘di masinag.
Umaga ay kahalintulad sa gabi kay lamig ay sagad,
Sa kumot ng pag-ibig sa baya’y sa ‘kin ay salat.
Oh aking bayan, ikaw ay inangkin at inabuso,
Ng mga mananakop na walang balak magpatalo.
Piniringan at ginapos ang mga mamamayan mo,
Ginawang aliping inalipusta, pagkawasak ay nagbabadya.
Aking bayan, ikaw ay labis na naghihirap,
Mga bayaning namatay upang ika’y ipaglaban,
Mga mananakop ay hindi talaga paaawat,
Para maangkin lamang ang iyong kayamanan.
Pilak at tinapay sa mamamaya’y ipinagdamot,
Kahig at tuka ay sadyang ginagawa kahit ang kita ay kakarampot.
Saan hahagilap ng lakas upang bumangon,
Kung ang dangal at puri sa lupa ibinaon?
Hindi na ba talaga matatapos,
Itong pang-aaping lubos?
Makikita pa ba niya ang sikat ng araw,
Kung kadiliman lang naman ang kanyang natatanaw?
Ni: Mark Jay Natividad
Siyam na buwan mo akong inaruga,
Sa tiyan mo ako’y alagang-alaga,
Mundo’y di ko makikita,
Kung ikaw Inay ay wala.
Nang ako’y iyong isinilang,
Saya mo’y di maikakailang,
Araw-araw mo akong inaalagaan,
Walang oras na ako’y iyong pinabayaan.
Sa bawat gabing nagdaan,
Ang init ng iyong bisig ang naramdaman,
Ang boses mong himig sa aking pandinig,
Kapares ng hangin kay lamig.
Ang haplos mong halos bulak sa pakiramdam,
Di mapakaling ito’y hindi maramdaman,
Kaya Inay ko ako’y wag iiwanan,
Sapagkat ang bawat araw na to maaring mawalan ng katuturan.
Sa bawat patak ng luha kong ito,
Inay alam ko paalala mo’y ‘di tanto,
Kaya’t alam ko hangang sa oras na ito,
Pagmamahal mo’y di magbabago.
Kaya Inay ko, ako’y nakakasigurado,
Hanggang sa dulo ng mundo,
Pag-ibig ko sayo’y di magbabago,
Dahil ikaw INAY ang pinakamamahal ko.
Ni: AMPY HILLARY G. PINGOY
Ano nga ba ang pag-ibig?
Sabi ng iba, “LOVE IS BLIND, LOVE IS A TRIUMPH OF IMAGINATION OVER INTELLIGENCE, LOVE IS EVERYTHING” at kung titingnan mo ang diksyonaryo bibigyan ka nito ng kanyang sariling depinisyon ng pag-ibig, ito ay: ANG PAG-IBIG AY MARAMING KAHULUGAN MULA SA ILANG BAGAY NA NAGBIBIGAY KONTING LIGAYA ("NAIBIGAN ANG ISANG PELIKULA") HANGGANG SA PAGBUWIS NG BUHAY (PAGKABAYANI). MAAARI NA ISANG MASIDHING DAMDAMIN NG PAGTINGIN ANG KAHULUGAN NITO, ISANG EMOSYON O NASA ESTADO NG EMOSYON. SA PANGKARANIWANG GAMIT, MADALAS NA TUMUTUKOY ITO SA INTERPERSONAL NA PAGMAMAHAL. MARAHIL SA MALAKING KAUGNAYAN NITO SA SIKOLOHIYA, KARANIWANG TEMA ITO SA SINING. MAYROONG KUWENTONG PAG-IBIG ANG KARAMIHAN SA MODERNONG MGA PELIKULA AT TUNGKOL DIN SA PAG-IBIG ANG KARAMIHAN SA MGA AWITING SIKAT O MUSIKANG POP. SA RELIHIYON, PARTIKULAR NA SA KRISTIYANISMO, ANG PAG-IBIG ANG PINAKADAKILANG BIYAYA O REGALO NG DIYOS SA TAO; AYON SA BIBLIYA WALANG TAO ANG NABUBUHAY NG WALANG PAG-IBIG. AYON SA AKLAT NI SAN PABLO SA KANIYANG UNANG SULAT SA MGA TAGA-CORINTO 13: 1-13:
"Ang pag-ibig ay matiisin... may magandang loob; hindi nananaghili, hindi nagmamapuri, hindi palalo; hindi lumalabag sa kagandahang-asal, di naghahanap ng para sa sarili, di nagagalit, di nag-iisip ng masama; hindi natutuwa sa kasamaan, ngunit ikinagagalak ang katotohanan..." Idinagdag pa niyang "Ang pag-ibig ay di kailanman magmamaliw..." Ayon pa rin kay San Pablo, may tatlong bagay na mananatili: ang pananampalataya, ang pag-asa, at ang pag-ibig; subalit pinakadakila sa mga ito ang pinakahuli: ang pag-ibig.
Para sa akin, walang saktong depinisyon ang “love” o pag-ibig. Una dahil ang paglalagay ng depinisyon ay parang pagkukulong sa isang ibon na ginawa upang lumipad sa kung hanggang saan ang kaya niya. Binibigyan natin ito ng hangganan o limitasyon. Sa pag-ibig lahat ay posible. Lahat kayang gawin ng isang nagmamahal sa kanyang minamahal sapagkat ang pag-ibig ay isang napakalakas na puwersa na nagbibigay lakas sa taong nakakaramdam nito. Lahat ay kayang ibigay ng taong nagmamahal kahit ang kanyang sariling buhay. At pangalawa, ang pagibig ay hindi salita ngunit ito ay “feelings” o nararamdaman. Papaano mo nga naman maipapahayag ang iyong nararamdaman sa isang tao kung hindi niya ito mararamdaman tulad ng pagkakaramdam mo?
Sigurado akong lahat tayo’y may sarili depenisyon ng pag-ibig. May pag-ibig sa magulang, pag-ibig sa kapatid, pag-ibig sa kaibigan at marami pang iba. Ngunit sa tulad kong musmos pa lamang at walang gaanong karanasan sa tunay na pag-ibig, ang kahulugan ng pag-ibig ay ang magbibigay ng aruga sa taong minamahal mo at handa mong suungin lahat para sa kanya. Marahil wala pa ako sa hustong gulang upang maibigay ang saktong kahulugan ng pag-ibig, wala man ako sa isang relasyon hindi ito nangangahulugan hindi pa ako nakakaramdam ng pag-ibig sapagkat noon pa ma’y punong puno na ako nito, mga pag-ibig na handog ng aking pamilya, kaibigan at mga taong nakapaligid sa akin.
PAG-IBIG. Para sa aming mga kabataan sa panahon ngayon ang pag-ibig ngayon ay ang "walang hanggan na pagmamahal" para sa isang espesyal na tao na ngayon lang natin nakita. Una, magsisimula yan sa crush, magiging “text mate”, ka-facebook, ka-chat, susunod na ang panliligaw (minsan nga wala na) tapos magiging “kayo” na o “magka-ON” na. Napakabilis. Para sa akin, ito ay hindi pag-ibig sapagkat ang pag-ibig ay maikukumpara ko sa isang puno kung saan kailangan ng oras upang ito’y lumaki at mamunga ng masasarap na prutas. Gaya ng puno ang “love” ay nangangailangan din ng sapat na panahon. Panahon upang makilala mo ang iyong minamahal at ganun din siya. Panahon upang maging kumportable kayo sa isa’t isa. Papano mo masasabing mahal mo ang isang taong hindi mo nga kilala?
Ang pag-ibig ay hindi naiipipilit kanino man. Hindi rin ito minamadali. Sa madaling salita ito ay dumarating nang hindi natin inaasahan. Sa panahon ngayon kung saan ang pag-ibig ay nabibigyan na ng maling kahulugan, ang kabataan ay narararapat ng turuan ng sapat na kaalaman tungkol dito. At naniniwala akong hindi nila ito matututunan sa pagkakaroon ng karelasyon kung hindi natututunan nila ito sa kanilang pamilya kasama na rito ang kanilang mga kaibigan.
Ni: Jovee Arianne Pinos
Ako po ay isang ordinaryong batang Pilipino na ginagampanan ang aking mga tungkulin at karapatan. Sa aking paglalakbay, naisip ko ang tungkol sa ating mga kababayan noong tayo ay nasa ilalim pa ng kamay ng mga mananakop. Sila ba’y namuhay ng matiwasay o nagpapakahirap at nagdurusa upang makuha ang ating kalayaan. Heto na at tunghayan natin ang aking matinding karanasan.
Gabi na nang umuwi ako sa aming tahanan at pagod sa gawaing pampaaralan. Nakaidlip ako ng sandali... ilang minuto ang nakalipas, may bigla akong narinig na mahinhin na tawanan ng mga kababaihan sa labas ng aming tahanan... bigla kong minulat ang aking mga mata at bumangon sa pagkakahiga. Nanlumo ang aking mata sa aking nasilayan. Bakit yan ang suot ng mga tao?! Baka may okasyon lang sa kabilang bahay?! Ngunit lahat talaga sila ay magkakaiba ang kanilang suot na damit. Ang mga babae ay nakasuot ng saya at may pamaypay na hawak. Ang mga kalalakihan naman ay naka barong at iba naman ay naka-kamiseta. Bigla kong naalala ang leksyon namin sa Filipino na tungkol sa Noli Me Tangere, ganun din ang kasuotan ng mga tauhan.
Sa aking paglalakad sa kalye, lahat sila’y nakatitig sa akin, mula ulo hanggang paa kasi nakasuot ako ng itim na sapatos at nakauniporme pa. Ibig ko sanang magtanong sa kanila tungkol sa pangyayaring nagaganap ngunit hindi ko na itinuloy baka hindi nila ako pansinin.
Sa kanto ng aming kalye ay may naratnan akong grupo ng mga kababaihang mahinhin na nagtatawanan habang tinatakpan ang kanilang bibig. May isang babaeng naka agaw ng aking pansin. Siya ay napakaganda, makinis at porselana ang kutis, mapulang labi at kulot ang buhok.
“Sa tingin ko ’yon siguro si Maria Clara, tugma talaga ang kanyang katangian kay Maria Clara eh” Sabi ko sa aking sarili.
Bigla ko siyang nilapitan.
“Ako po pala si Jovee, maari ko po bang malaman ang iyong pangalan?” tanong ko sa kanya.
“Ako si Maria Clara, anak ni Kapitan Tiyago” Marahan niyang sagot.
Siya nga si Maria Clara....
Sinamahan niya ako sa paglalakad nang bigla niyang nabitawan at nahulog sa maputik na daan ang kanyang panyo. Pupulutin ko sana, kaso, pinigilan niya ako.
“Jovee! Hayaan mong lalaki ang pupulot sa panyo ko” sabi ni Maria Clara.
Agad-agad kong naalala ang aming leksyon sa Filipino. Ilang segundo ang nagdaan, may lalaking lumapit at pinulot ang panyo sa maputik na daan. Ang lalaking iyon ay pamilyar sa akin. Maayos ang tindig, katamtaman ang pangangatawan at may kagwapuhan. Agad niya itong inabot sa kamay ng babae at hinalikan ang kanang kamay ng dalaga.
“Ito pala si Crisostomo Ibarra, ang aking pinakamamahal na kasintahan” sabi ni Maria Clara.
“Ikinagagalak kitang makilala Don Crisostomo” sabi ko sa binata habang kinakamayan ko siya.
Nang kaming tatlo ay naglalakad, may biglang dumating na mga armadong kalalakihan at nagpapaputok ng baril. Nagulat kaming tatlo sa aming nakita. Agad hinablot ni Maria Clara ang aking kamay at nagtago kami sa isang sulok. Mabilis na kumalat sa lugar namin ang mga armadong lalaki. Isa-isa nilang pinapatay ang mga taga roon. Wala talagang nakaligtas sa pangyayaring iyon maliban sa aming tatlo ni Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Nang kunin na ni Crisostomo ang kanyang baril, tinutukan siya at pinaputukan sa noo ng isang armadong lalaki.
Humandusay ang katawan ni Crisostomo sa putikan habang lumilipad ang mga bala sa paligid. Napakabilis ng mga pangyayaring iyon. Halos bumaha ng dugo sa aming lugar.
Agad na tinakbuhan ni Maria Clara ang wala nang buhay na si Crisostomo. Labis-labis ang paghihinagpis ng dalaga sa kanyang pinakamamahal.
Nagulat ulit kami nang biglang may lumapit na tatlong lalaki at sabay kaming pinaputukan sa ulo. Bumagsak ang aming katawan sa maputik na daan. Huli kong nasulyapan ang kaayang-ayang mukha ng dalagang aking nakilala sa araw na iyon.
Akala ko katapusan na ng aking buhay ng biglang tumunog ang cellphone ko.
“OMG! alas-sais na pala ng umaga!! Kailangan ko nang magmadali para di ako mahuli sa klase!”.
Sa huli ko na lang nalaman na lahat na iyon ay isang panaginip lamang.
Ni: Kirstie Angeli Ponte
Tauhan:
Lolo Tasyang -Isang matandang 98 ang edad
Kikay -18 na taon gulang na apo ni lolo Tasyang
Tagpuan: Sa isang silid ng Bahay-kubo sa kabukiran
Panahon: Taong 1982
(Pagbubukas ng tabing ay makikitang nakahiga sa kama sa isang silid si Lola Tasyang. Nakatitig siya sa bintana. Kumatok bigla si Kikay at pumasok ng maingat sa silid, bitbit niya ang maaligamgam na kape. Hindi kumibo si Lola Tasyang)
Kikay: (Mahinahon) Kape niyo po Lola. (Umupo sa tabi ni Tasyang)
(Lumingon si Tasyang nang walang kibo at tinitigan ang bintana. Napabuntong-hininga si Kikay. Ipinatong niya ang kape sa maliit na mesang malapit sa kama at marahang pinaupo si Lola Tasyang sa kama.l Pumayag si Lola Tasyang na maingat pero wala siyang emosyong pinakita. Kinuha ni Kikay ang kape at iniabot sa matanda.)
Kikay: (Malakas) La, kape niyo po.
( Tinignan ni Tasyang ang kape at mahinang tinulak ito pabalik kay Kikay at tinitigan muli ang bintana.)
Kikay: (Napabuntong-hinga) Lola, dito lang pos a mesa ang kape niyo kung gusto niyo ng inumin. (Ipinatong muli ang kape sa maliit na mesa sa tabi ng kama. Agad ipinahiga ng marahan ang matanda. Tulalang tinitigan ni Lola Tasyang ang kisame.)
(Tumayo si Kikay at kinuha ang mga panggantsilyo sa aparador ng silid. Kinuha niya rin ang silya sa tabi ng aparador at bitbit ito patungo sa tabi ng maliit na mesang malapit sa kama. Umupo si Kikay sa silya at nagsimulang manggantsilyo habang humuhuni ang awitin.)
Lola Tasyang: (Nakatulala sa kisame at walng kibo) Ang panahon ng mga Kastila.....
Kikay: (Patuloy pa rin sa panggagantsilyo.) Kay lupit... Kay pait.. Alam ko po, Lola... Ikinuwento niyo na po sa akin iyan ng ilang beses.
(Tiningnan niya si Kikay na walang emosyon.)
Lola Tasyang: (walang emosyon)
Sa sobrang pagpapalaya’t paubaya
Sa mapagalipustang dugong kastila...
(Hinto)
Gaya ni Pia’t mga kababaihan
Pinagsamantalahan, ating hinayaan...
Kikay: (napatawa) Bagong ‘style’ po yan ah! Patula-tula kana pala ngayon Lola?
(Hindi pinansin ni Lola TAsyang si Kiakiay. Nagpatuloy lang sa pagsasalita.)
Lola Tasyang: (paiyak)
Si-sinuman ang-ang... ma-ma-magtatangkang maki-ki-kipagtungglaian...
(tinigi9lan ni Kiakay ang panggagantsilyo at inilagay sa mesa ang gantsilyo. Niyakap ang matanda at napaiyak.)
Sa-sa-sariling buhay ay...ma-manganganib
I-isang Pi-pilibustero,... ika’y kikilalanin
Kikay: (Nag-aalala) Lola, tahan na... A-alam kong ma-masakit na pi-pinatay nilasi-si-si lolo... Pe-pero lumaban si lolo...
(Malakas na tinulak ni Lola Tasyang sa sahig ang dalagita)
Lola Tasyang: (pasigaw)
Mga nagdurusa’t aliping Pilipino
Nauuhaw sa kalayaang ‘di matamo...
(Umupo sa kama at kinuyam ang mga kamay habang si Kikay ay umiiyak)
Tulad ni Basilio, wala nang ninais na iba
Kundi ang Ina’t kapatid, makapiling nang malaya
(Tum,indig si Kikay at nilapitan si Loala Tasyang. Mahigpit niyang hinawakan ang pulso ni Lola Tasyang. Lumalaban naman ang matanda.)
Lola Tasyang: Bitawan mo ako! Nasasaktan ako!
(Dumura si Lola Tasyang sa mukha ng umiiyak na Kikay.)
Kikay: (Pasigaw) Lola! (Binitawan niya ang pulso ni Lola Tasyang at pinahiran ang sariling mukha gamit ang kanyang braso.)
(Nilapitan muli ni Kikay ang matanda at niyakap ng mahigpit. Lumalaban pa rin si Lola Tasyang.)
Kikay: (Pabulong habang umiiyak) Lola... Ma-mahal na Ma-mahal kita...
(Umiiyak si Lola Tasyang at niyakap si Kikay.)
Lola Tasyang: (nahihirapang huminga) A-a-apo kooo..
(Mabilis na bumitaw si Kikay sa yakap. Inilagay ni Lola Tasyang ang kanang kamay sa dibdib.)
Kikay: Lola! Kukunin ko ga-gamot niyo.. (Patayo)
( Iniabot ni Lola Tasyang ang kamay ni Kikay.)
Lola Tasyang: (Mahinang-mahina) Ma-mahal kong Ki-kikay, ang-ang Ba-ba-bhaul... (Tinuro ni Lola Tasyang ang aparador) buksan mo ang... (ipinikit ang mata; nalagutan ng hininga.)
(Umiiyak si Kiakay. Hawak-hawak pa rin ni Lola Tasyang ang kamay niya. Kinuha ni Kikay ang kamay ng matanda at marahang hinimlay sa kama.)
Kikay: (Pabulong) Bakit? Bakit6 niyo na ako iniwan? Kayo... Kayo nalang ang natatangi kong pa-pamilya.
(Marahang inihiga ni Kikay ang matanda sa kama. Pinatungan niya ng kumot ang buong katawan ni Lola Tasyang. Pagod, Napa-upo siya sssa sahig at inilagay sa noo ang kinuyom na kamay.)
Kikay: (Pasigaw habang umiiyak) Hayop kayong mga kastila! Hindi pa ba kayo nakontento!? Piñata niyo na lolo ko, sinunod niyo pa ang lola ko! Oo, hindi nga siya namatay sa inyon mga kamay. Namatay naman siya dahil sa mga mapait na ala-alang inyong iniwan! (Pilit Kumalma)
(laladlad ang tabing)
Ni: Angel Ken Prado
Ang tinola po ba ay isang bunga
Ng halamang luto, na kapag
Iyong kinain ay makalilimot ka?
Natawa si Padre Damaso sa kanya.
Hindi iho, isa kang loko-loko.
Ito ay isang ginisang manok,
Na may kahalong upo,
Masarap ito, pag napunta sa’yo ang ulo.
At higit sa lahat,
Ang paa na may kuko,
Masarap sipsipn ang dila,
Madulas pati ang mata.
Dinama’y itong leeg na manok,
Tinadtad pati ang buhok.
Pero iho wag kang padalos-dalos,
Kapag ika’y kumain, ngipin mo’y walang galos.
Wala ngang kwenta ang leeg at ulo,
Pero iho ito ay may simbolismo.
Katulad din ako ng ulo,
Ako ay ang kuraparoko.
At tulad rin ng leeg na mabuto,
Sipsipin mo muna upang makuha lang ang gusto.
Tulad ni Santiago na sa’kin sumisipsip,
Sa gobyerno siya ay laging nakadikit.
Pasensya na Padre Damaso,
Ang tanong ko lamang ay tinolang may upo.
Pero ayon sa mga nabangit mo,
Parang ayoko na, dahil busog na ako.
Ni: Francis Victor Reapor
“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang” isang awiting naayon sa turo ng Diyos. Ang pagtulong sa kapwa ay kailangang dapat matutunan ng bawat Pilipino. Sa dinamidami ng mga taong naghihirap nararapat lamang na magtulungan tayo.
Nang manalasa ang bagyong “Ondoy”, naipakita ng mga Pilipimno kung paano dumamay ang mga Pilipino sa kapwa Pilipino.marami sa mga kiklalang Pilipino, mga Politiko, artista o mamamayan ang ipinagpaliban na ng tuluyan ang kanilang handaan na matagal ng itinakda. Bagkus itinulong nila ang perang nakalaan sa mga nabiktima ng kalamidad. Kung pamamarisan ng mga tao ang ganitong prinsipyo,hindi man mawala ang mga naghihirap, maiibsan naman nito ang kahirapang kanilang dinarama. Sabi nga. Ang tulong kahit maliit ay tulong parin. Hindi naman tama na ikaw ang naglulustag ng mga salapi sa mga bagay na hindi naman kailangtan. Maraming tao ang naghihirap. Walang makain, matirahyan at matulugan,masuot o makapag-aral. Kung may mga taong hindi naman gaano nakakaangat sa buhay ang nakatutulong sa kapwa, ano pa kung ikaw ay maysalapi.
Hindi naman ang ibig sabihin nito’y, kung ikaw ay may salpi bawal na ang sumaya o bumili ng gamit. Ang sinasabi lamang ay mag bigay ng bahagi sa mga biyayang tinatamasa.
Ikaw ba’y nakahandang mag sakripisyo at tumulong sa mga taong nahihirapan? Sana’y parati nating maisip na maraming taong nahihirapan.
(Reflection)
Ni: Kristelle Jam Marie Redoloso
Kulay abo ang ulap sa langit na dating asul.
Ang buong akala ko’y uulan,
Hindi pala...
Sa bawat singhot ng hanging mamasa-masa,
(malamig kung tutuusin)
Datapwa’t kahapon ay sumapit na.
Muling namamasdan ang mga gunita,
Sariwang-sariwa pa!
“Sanhi ng aking nadarama,
Bukangliwayway kumbaga,
Nahulog na’ng buong langit sa lupa,
Anghel nga bang maikukumapara?”
Isang sulyap sa larawan ng panaginip...
Kundiman ang naging kanta,
Sa musikang kay ganda,
Soneto nga ba ang lirika?
“O, Maria Clara!”
Hindi maiguhit, o maipinta,
Mukhang anghel na sya’ng nag-dala,
Ng buong liwanag sa’king mga mata,
Nakasisilaw ‘ng kagandahan ng isang diyosa!
“Buhat malayo sa kinaroroonan,
Nais sanang malaman,
Hindi ako lilo’t talusira,
Iyan ang pakatatandaan”
Ngayo’y nag-maliw na ang lumbay ko.
Hindi na ako si Crisostomo.
Si Sisa ba ka mo?
Oo... ako ito.
Sa bawat hakbang papalapit sa nakaraan,
Sa bulwagan ng isip ang kahahantungan,
Isang hiyaw sa ‘sang sulok ng lansangan,
Marinig sana ng aking bayan.
Libo- libong taon,
Nasayang mga pagkakataon.
Sa hidwaan ba’y mabababangon,
Isang lingo sa dapithapon?
Hindi na ba maintindihan ang nakaakda?
Muling balikan ang bawat linya,
Hindi man ito gawa ng isang bihasa,
Isapuso ang mensaheng makata.
Si Sisa ba ka mo?
Isang mapag-mahal na ina.
Saan siya, tanong mo?
Doon sa ‘sang sulok ng eskinita.
Sa tagal ng pangungulila,
Talusaling na’t mababaw ang luha.
Samaing palad ang mayroon sa kanya
Ba’t ito ang naging kalagayan ng isang ina?
Nawala na’ng sariling katinuan,
Hindi pa naiintindihan.
Tatawa... luluha...
Maya-maya’y tatahimik at matutulala.
Sa bawat hiyaw,
Sa bawat bangungot,
Luha ang kapalit,
Sa pag-gising muling nalulungkot.
Hanap ka ng hanap sa mga paslit mong musmos,
“Crispin... Basilio... mga anak ko!”
Hindi ka ba nalulumbay ng husto?
Kung naging matapang ka lang sana,
Hindi ka naman siguro maloloka.
Kung naging matatag ka lang sana,
Hindi naman siguro magkakaganito ang buhay mo, hindi ba?
Matulog ka Sisa...
Upang ika’y makapag-pahinga.
Tama na’ng mga pagpapahirap,
At dito’y magtatapos na ang istorya.
Ni: Rachelle Mae Rodrigo
Ako ay hindi makata,
Pero gagawa ng tula,
Tula na siyang tatalakay,
Sa kagandahan ng buhay.
Buhay ay isinantabi,
Dahil sa mga pangyayari,
Ang mga pangyayari,
Na siyang nagbigay ng silbi.
Kung sa isip manumbalik,
Mga karanasang matinik,
Sa kamay ng prayleng mataba,
Isip at puso’y sadyang takot.
Mga prayleng mataba,
Na nagbigay takot,
At nagsabog ng lungkot,
Na nagsilbing bangungot.
Nagbigay ng dalamhati,
At nilukso ang puri,
Ng ating mga lahi,
Dahil sa mga pari.
Sa huli, pag-ibig ang mananaig,
Para sa kapayapaan ng daigdig,
Tulad ng pag-iibigan,
Ng magkasintahang Maria Clara’t Ibarra.
Ang Noli Me Tangere,
Na naglantad ng kabuluhan,
At siyang nagbalik ng kapayapaan,
Sa buhay ng bawat mamamayan.
Ni: Celina Joy Salamat
Ako ay isang lumang aklat,
Na waring nag-uulat;
Ng mga pangyayaring noo’y naganap,
Na ni hindi natin hinagap.
Mga paghihirap ng Pilipino,
Ay aking naikuwento;
Mga kagitingang di malilimutan;
Dito ay aking pinarangalan.
Mababasa mo dito,
Mga taong natututo;
Namulat sa kung ano ang tama,
Para sa mapayapang pagsasama.
Naging importante ang aking silbi,
Ang pagpapahalaga sa mga bawat sandali;
Na nakakamit ng tao ang tagumpay,
Kung siya’y naniniwala ng walang sablay.
Ni: Jul-Ilmah Samaon
Ang pangalan ko ay Carlo Montis at ikukuwento ko sa inyo kung bakit mahalagang isalaysay ang iyong nararamdaman at opinyon dahil baka sa huli, pagsisihan niyo ang mga bagay na hindi niyo nasabi na pwedeng magpatigil sa mga nangyayari.
Naalala ko ang panahon nung ako’y musmos pa lamang, hindi ko nga matatawag ang sarili kong maliit dahil sa edad kong iyon ay ang taba-taba ko na. Naalala ko ang pagkukulitan, pagtatawanan at pag-aasaran naming magkakapatid. Ang bait ko pa dito, hindi ko pa inaaway ang aking mga kapatid, hindi rin maalis sa aking isipan ang pagmamahal na ibinigay nina Inay at Itay. Pinapalo kami ni Itay kapag may nagawa kaming kasalanan, pero sa bawat palong iyon ay mas nadaragdagan ang respeto ko sa kanya dahil alam ko na sa bawat palong binibitawan niya ay tinuturuan niya lang kami kung ano ang tama at kasama din ang pagmamahal niya na maituwid ang aming landas. Pero bumaba naman iyon dahil sa naging desisyon niya at nagbago ang lahat.
Setyembre nun at ang lamig na ng simoy ng hangin at papalapit na ang pasko. Alam kong iyon na ang nasaisip ng lahat, pero ang iniisip ko ay kung bakit luluwas si inay para magdagdagan pa ng kanyang karunungan? Maganda naman ang buhay namin dito at hindi na niya kailangang magtrabaho dahil malaki naman ang kinikita ni itay.
Makalipas ang ilang araw, napansin kong umuuwi na lang si itay para ihatid kami sa paaralan. Hinayaan ko na lang iyon kahit na may nararamadaman akong hindi tama sa mga pangyayari.
Isang araw, tinawag kami ni Itay sa silid niya at sinabi niyang ilang beses na raw niyang sinubokang pauwiin si Inay at iniyakan niya raw ito para lang umuwi siya ngunit, hindi raw naniniwala si Inay. Sabi nga niya na tila wala na siyang pakialam sa aming magkakapatid at ipapakulong at ipapapatay nina lolo at lola upang makuha ang kayamanan niya. Sa sobrang takot ni Itay na hindi malalaan ang kanyang kayamanan para sa amin, ililipat niya raw ito sa aking pangalan... Kung alam ko lang. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ng aking tenga. Alam kong nag-aaral si inay sa malayong lugar, pero alam ko pa rin na buong puso niya kaming inaalala. Hindi ako makapaniwala na magagawa iyon nina lolo at lola para lang sa salapi, pero napaniwala ako ni Itay dahil sa mga luhang dumaloy pababa sa kanyang muka at alam kong hinding-hindi magsisinungaling si itay dahil para saan pa ba ang pangangaral niya sa amin kong ang sarili niya ay hindi niya madisiplina ‘di ba?
Nung Oktubre, niyaya kami ni itay na maligo sa dagat. Ang hindi ko maintindihan ay nung makarating kami dun, buong magdamag ay may kasamang babae si Itay. Hindi niya kami binabantayan; dahil wala siya sa tabi namin nung natutulog kami, ngunit pinipi ko ang aking labi at hinayaan na lang ipagpatuloy ang mga pangyayari. Kung natuto lang sana akong magsalita at tumanggi.
Nung umuwi na si inay, ipinaliwanag na niya ang lahat. Itinangi niya ang lahat na bintang ni Itay. Bumaba ang tingin ko kay itay pero, siya pa rin ang itay ko. Siguro yun na lang ang dahilan kung bakit may natitirang respeto pa ako sa kanya kahit katiting lamang. Mas masaya pa kami nung hindi pa marami ang salapi ni itay. Ang pera talaga’y nakakabulag sa mga tao, at nagiging dahilan ng kasamaan.
Siguro nga hindi na maibabalik at maiwawasto ang nakaraan pero pagdating ng panahon, matututo rin tayong magpatawad at mabalik ang pagmamahalan. Ang mga nangyaring iyon ay kunan natin ng leksyon upang maging matatag, matalino at mapagkumbaba tayo.
Ni: Tricia Kristin Senobago
Kasabay ng paglubog ng araw ang unti-unting pagdilim ng papawirin. Sa mga barong-barong ay nakatirik lamang ang kandila na tanging pinagkukunan ng liwanag ng ating mga kababayan, samantalang ang mga dayuhan ay nasa malalaki at magagarbong tahanan at walang tigil na nagsasaya sa ating bayan.
Nang mabigyan tayo ng ganap na kalayaan sa mga kamay ng mga banyaga, may pagbabago bang naganap? Nakalasap nga ba ang bawat Pilipino ng tunay na kalayaan?
Tayo’y magbaliktanaw sa mga panahong nagdaan na tayo’y unang nabigyan ng kalayaan ng mga banyagang sumakop sa ating bayan. Ano na ba ang kaibahan nito sa mga panahong tayo’y malaya na sa pamumuno ng mga dayuhan? May pagbabago at kaunlaran nga bang naganap sa paglipas ng panahon?
Mga panahong tayo’y sakop pa ng mga banyaga:
Tayo’y nawalan ng kalayaan at halos nawalan din ng karapatang mamuhay sa loob ng sariling bayan. Sa lupang ating sinilingan tayo’y naging alipin, pilit na pinagsilbi at sunod sunuran lamang sa kagustuhan ng mga mananakop.
Taga labas man pero sila ang makapangyarihan at may karapatang mamuhay ng sagana sa ating lipunan. Ng tayo’y bigyan ng ganap na kalayaan at binigyan ng sariling pamahalaan. Mga Pilipino na nga mismo ang namumuno subalit mga banyaga parin halos lahat ang nananatili sa ating bansa. Ang inakala nating kalayaan ng ating bansa ay halos walang pagbabago sapagkat ang mga dayuhan parin ang nangingibabaw sa tuwing sila’y nadadayo sa ating bansa, sila parin ang nakapamumuhay ng mas masagana at lubos na ginagalang sa loob ng ating bayan.
Kailangan na nating gumising sa realidad na hanggang ngayon ay banyaga parin ang nangingibabaw sa ating bayan, halos walang pinagkaiba noong tayo’y sakop pa nila. Dahil hanggang ngayon halos lahat ng malalaking bahay at establisimiyento sa ating lipunan ay dugong banyaga ang nag mamay-ari at kung hindi man ay sa tulong ng mga banyaga.
Ni: Axl Ruthe Sutento
“Paalam Ana, sana ako pa rin ang isisigaw ng iyong damdamin, at sana’y ako pa rin ang dahilan ng iyong mga ngiti, kahit ako’y magpapaalam muna sa iyong tabi”, ani ni Marco. Siya’y nasa Maynila para mag-aral sa isang tanyag na unibesidad. Tubong bukid ang ng binata, tanging kanyang adhika lamang ang sumasakop ng kanyang isipan at ang kalugod-lugod nitong katipan na si Ana. Simpleng tao lamang si Marco ngunit galing sa masalaping pamilya. Pero pagtatanim at pagbubukid ang nahihiligan ng binata kung kaya’t, palagi siyang wala sa klase. Natanggal ang mga piring noong nalaman niyang marami siyang kaagaw kay Ana at hindi gustong mawala ito kaya’t sinabi niya sa ama na mag-aaral siya ng medisina kahit hindi niya alam kung anu-anong mga bagay ang nakalaan dito. Ang alam niya lang ay mga matitinong tao lamang ang gustong kumuha ng panggagamot, para may ipagmamalaki si Ana tungkol sa kanya.
Si Marco ay naglalakad at ipinagmamalaki ang magarang na barong na kanyang suot dahil sa probinsyang pingalingan niya ay mataas ang respeto sa mga taong nakabarong. Siya’y lihim na kinukutya ng marami dahil sa kanyang kasuotan at ang iba naman ay pinapabayaan na lamang siya pero sa kaluob-looban ay parang natatawa rin sila. Dahil sa maginoo at matalino ang binata, nagkaroon siya ng mga kaibigan.
Dumating na ang pagsusulit sa unang markahan. Wala siyang pinuproblema hanggang “Pare barong! Sagutan mo naman itong papel ko oh.” wika ng isang kaklaseng si Carlo. Tumanggi si Marco at nakangiting sinagutan ni Carlo ang sariling papel.
Isang linggo ang lumipas, habang paspasan siyang lumalakad, isang lalaking di niya kilala ang lumapit sa kanya at sinabing “Ang lupit mo! Sikat ka na oh!” tumingin-tingin sa paligid si Marco at napansing punong-puno ng “poster” ang kanilang uniersidad. Makikita sa “poster” na iyon ang isang letrato ng lalaking nakangiti at nilagdaan ng malaking “Boy Barong” sa ilalim. Hindi man lang umimik si Marco, at nang makita si Carlo, agad-agad bumulalas ang kanyang galit. Dali-dali niyang sinuntok sa mukha si Carlo, at nandoon ang propesor nang mangyari yaon.
“Siya ang mapanlinlang! Ginawan niya ako ng napakalaking kahihiyan!” galit na sinabi ni Marco.
“Wala kang katibayan Marco! Kaya’t tumahimik ka na lang diyan!” sagot ni Carlo.
“Tama si Carlo. Marco, wala kang katibayan at dahil dito, babawasan ko ng limampung puntos ang iyong nakuhang iskor sa unang markahan—“sabi ng propesor.
“Ngunit ako’y—“Biglang nagsalita ang propesor.
“Ngayong sumabat ka’y ibibigay ko ng responsibilidad ng paglilinis sa unibersidad na ito. Dapat wala na akong makikitang “poster” na nakakalat at nakadikit sa dingding mamayang hapon….” Sabi ng propesor
Humahalakhak si Carlo nang umalis ang propesor. Nawalan ng mga kaibigan si Marco dahil sa takot na baka sila naman ang susunod na pagbintangan ni Marco. Mapait ang mabuhay na walang kaibigan, walang kakampi, at ika’y nasa mundo ng iyong kalaban. Ngunit di nawalan ng pas-asa si Marco.
Nakapagtapos na rin si Marco sa pag-aaral at galak na siyang makita ang pamilya. Siya ang nangunguna sa klase at bumalik na rin sa wakes ang kanyang mga kaibigan. Merong natutunan ang binata, hindi hadlang ang estado ng iyong kinatatayuan o kung saan ka man galing sa pagkamit ng iyong mga pangarap. Ang mga nasawi ang magkakamit ng tagumpay at ang mga umaalipusta ay babalikan ng kanilang mga kasalanan. Mapahirap man o mapayaman ay pantay pa rin ang tingin sa atin ng Poong Maykapal. Tanging mga tao lamang ang may hilig sa pagkukumpara, ngunit sa pagkukumpara, tayo na mismo ang nagpapadaya sa ating sariling isipan. Maging matapang sa lahat ng oras at ipagmalaki man kung sino ka at kung anong meron ka. Papatnubayan ng diyos ang may ginintuang puso at sasabayan ka sa paglalakbay sa iyong buhay. Ipaglaban mo kung ano sa palagay mo ang tama wala namang mawawala sa iyo. Siya ay tubong- bukid at sila naman ay tubong-lungsod. Kahit na iba ang pagtratoo ng mga taga-lungsod kay Marco, di pa rin siya sumuko at nilabanan ang kanyang karapatan sa paraan ng pag-aaral ng mabuti. Sa huli, nakamit niy ang lahat niyang adhkain at nagging sila ni Ana.