Kami'y Hindi Makata
Ito ay isang libro. Proyekto ng klaseng Sto. Domingo de Guzman '09. Ang ano mang nakasaad rito ay nakasulat rin doon. Walang Kahit na anong pagbabago ang naisagawa.
Hindi kami makata sapagkat sinubok namin ang aming angking galing at talino upang matapos at mailimbag ang librong ito. May mga TULA, KUWENTO, at SANAYSAY kaming inihanda pero hindi rin kami sigurado kung ito ay swak sa panlasa niyo. Kami'y nag-sisimula pa lamang lumakbay patungo sa hinaharap sa tulong ng aming gurong si Ginoong Richard P. Moral, Jr.
Nawa'y lubos niyong maibigan ang aming mga mumunting artikulo.
-SDDG '09
Paunang Salita
Imuklat mo ang iyong mata’t isipan sa isang munting paglalakbay……
Utak ay binubulabog ng mga kalabang hindi mo nakikita. Atake dito,atake doon, walang parteng nailigtas sa kanilang pakikihimasok. Basta ang alam natin ay ang kanilang pakay ay maipahayag ang katotohanan at maiani ang bawat emosyon na naitanim sa kalalamin ng ating puso. Sila’y mumunting bagay lamang ngunit, kapangyarihan nila’y hindi mayayanig. Katalinuha’y kanilang hatid sa puso’t isipan na kanyang binabatid.
Titik na pumipilit umaalsa sa katotohanang kaniyang inihatid. Gabay ang kamay at isipan upang mapukaw ang bawat pusong natutulog sa kabila ng lahat ng kasinungalingan na bumabalot sa kanya. Saksi ang panulat’ papel sa kabayanihang hatid ng bawat titik na naiambag.
Marami ang bumabatikos sa katotohanang naimulat ng bawat titik at salita. Ngunit, sila’y patuloy na lumalaban upang maisiwalat lang ang kung ano ba ang nararapat.
Tayo’ nakakabasa’t nakakasulat ay maswerte sa pagiging taga likha ng mga matatapang na titik na ito. Kaya’t tayo na mismo ang magpapayaman dito at maging inspirasyon sa pagmulat ng mga tinatagong katotohanan sa susunod na henerasyon.
…………………………………………………………………………….
Ngayo’y mga titik ay binigyan ng liwanag ang kadilima’y sa ating puso kaya’t naging obligasyon nating ipahayag ang kaniyang ipinahiwatig sa atin.
Tapayang ginto’y nagawa, isang simpleng koleksyon ng mga artikulo.Mga artikulo na naiambag ng mga simpleng estudyanteng minulat ng nobelang Noli Me Tangere. Hindi man gaanong makata,may sukat at tugma, at propesyonal ang gumawa, ngunit, nagpapahayag ng mas malalim na kahulugang na dapat hukayin at unawain, nagbibigay ng bagong pananaw sa mga bagay-bagay at nagbibigay ng panandaliang rebolusyon ng mga titik at manunulat sa katotohanang kanilang ipinaglalaban.
Ito’y isang kalipunan lang ng mga artikulo na ayon sa pananaw ng iba at ito’y nagbibigay ng bagong daan sa buhay,hindi lamang sa buhay ng mga manunulat, pati na rin as mga mambabasa nito na tinuturing na itong ginto na kinukunan nila ng ginto aral, mga ginto na yumayabong sa katalinuhang taglay. At isang panibagong hakbang patungo sa kinabukasang punong-puno ng katotohanan.
Friday, November 13, 2009
Ni: Daniel Anthony Alngog
Pitong araw sa isang linggo, apat na linggo sa isang buwan, labindalawang buwan sa isang taon, ang liwanag mula sa sikat ng araw ay bumubuo sa bawat segundong nabubuhay tayo. Liwanag na nagpapahiwatig ng kalayaan na ating natamo mula sa mga banyagang mananakop. Buhay ay nawala, dugo’t pawis ay inalay upang makita lang ang pagsikat ng araw sa bayang minamahal. Mga Pilipinong magiting na lumaban at walang humpay na pilit itinatayo ang bandila ng Pilipinas. Naitatag nila ang bansang Pilipinas sa kanilang sariling pananaw at nagsimula na ang pamumuhay natin ng malaya sa kamay ng mananakop. Ngunit, iba ang nakaraan sa kasalukuyan. Sa pagbukas ng ating mga mata, at pag-umpisa ng pagdinig ng ating tenga, masasabi pa ba natin na sa panahong ngayon “malaya pa tayo”?
Bomba dito, bomba doon, maraming tao ang namamatay lalong-lalo na ang mga lugar dito sa Mindanao. Maraming tao ang umiiwas na pumunta sa Mindanao dahil sa takot na mamatay sa kaguluhan dito. Ilang taon na ba ang nakakalilipas nang sumiklab ang kaguluhan dito sa Mindanao? Matagal na matagal na yun pero bakit wala paring pagbabago na nagaganap? Di ba’t ang lahat na bagay dito sa mundo ay mayroong sariling rason kung bakit sila nabuhay dito? Siguro mayroon lang silang pinipilit na ipaglaban na problema na hindi nakikita ng gobyerno, nasa mamayan man o nasa loob mismo ng gobyerno. Mga problemang pilit ipnararating ngunit pilit din namang iniiwas sa dalangin.
Ang gobyerno naman ay itinatago ang lahat nilang lagim. Ang kataksilan sa sariling bayan ay patuloy pa rin ginagawa kahit alam na nila na mali ito. Ninanakawan nila ang sariling bayan na dapat nilang pagsilbihan ng marangal at ng buong puso. Binigyan sila ng sapat na respeto, pinagkakatiwalaan at nananalig na ipahayag ang lahat ng totoo. Ngunit binulag pa rin nila tayo sa pagagamit ng pera at ang kapangyarihan na binigay natin sa kanila na hindi nila dapat ginagawa. Tayo naman na simpleng mamamayan ay walang magagawa kundi sumunod sa lahat nilang kagustuhan upang mabuhay lang ng mas matagal at matiwasay dito sa mundong kinagisnan.
Unti-unting nawawalan na tayo ng kalayaan na hindi natin namamalayan. Bibig ay pinipi, mata’y binulag, paa’y nilumpo, tenga’y biningi at ang dangal ay winasak. Wala na tayong magagawa kundi sumunod sa kanila at maging tuta sa kapwa kababayan. Wala na tayong pwedeng gawin kundi manood sa lahat nilang masamang gawain, makinig sa lahat nilang sinasabi at tumitingala sa kanilang taglay na kapangyarihan. Wala na talaga, wala..... Wala nga ba?
Ngayon, ating nakikita ang mga lagim na ginagawa ng gobyerno sa ating inang bayan, kaya’t tayo na mismo ay tumayo mula sa pagkadapa, sirain ang mga kadena na nagpapaalipin sa atin, huwag ng magbibingihan, magbubulagbulagan at tayo na’t lumaban para sa ating inang bayan. Sama-sama tayong kumilos upang ilaya muli ang ating inang bayan sa bilanggo na kinaroroonan at ibalik siya sa liwanag na dapat niyang kinalalagyan. Marami nang mga tao ang nagsakripisyo upang makita lang natin ang pagbukangliwayliway ng ating bayan, mga bayani na namatay alang-alang sa ating bayan, mga kababayan na nagdurusa upang maisiwalat lang ang katotohanan. Kaya’t ipagpatuloy na natin ang kanilang sinimulan at huwag sayangin ang pakakataon na maging malaya tayo. Kumilos na tayo bago pa mahuli ang lahat...
Ni: Ramlyn P. Andrino
Bata ka pa’y ako na ang kasama mo,
Ako na laging nariyan tuwing kailangan mo.
Pumupunas ng iyong likod tuwing basa ito,
At ipinagdarasal ka linggo-linggo.
Kinakantahan ka para makatulog,
Sa gabing umuulan at kumukulog.
Tinuruan rin kita kung paano tumuhog,
At ipakita ang iyong sarili sa pamamagitan ng tugtog.
Minsan nga’y napapagalitan ng iyong ama,
Sa pagpapalaki ko sa iyo na walang disiplina.
Ako’y agad nagpaliwanag sa kanya,
Na hindi kailangang saktan ang bata para lang matuto siya.
At nang may umapi sa’yo,
Tungkol sa iyong pag-uugali at pagkatao,
Ako’y biglang dumating at pinagtanggol ka sa mga tao.
Nakapagsalita pa ng masasakit na labag sa kalooban ko,
Pero wala akong pinagsisihan lalo na pag tungkol sa iyo.
At nang ika’y tumungtong sa elementarya,
Pinagmamalaki kong sabihing anak kita.
Itinago ang lahat ng iyong mga medalya,
Sabay sabi sa sariling, sa’kin ka nagmana.
At ikaw ngayo’y malaki na,
At napagpasyahang mangibang bansa,
Hindi kita pinigilan at sinuportahan pa,
Pero huwag sanang tumigas ang ulo’t maging pabaya,
Dahil ang mga tao roo’y galit sa mga tatanga-tanga.
At ngayo’y bilang na ang aking mga araw,
Tinupad mo ang aking hiling at ako’y iyong dinalaw.
Ipinadama na ang pagmamahal mo sa aki’y umaapaw,
Sa pagluluto ng paborito kong adobong sitaw.
Ika’y umupo sa silyang kulay dilaw,
Habang ako’y pinagmamasdan unti-unting pumapanaw.
Ni: Vince Anoche
Ang buhay ay parang isang ulam, minsan masarap, minsan hindi. Parang tinola, ito’y masarap kung maganda ang pagkakaluto nito at kung minsa’y hindi naman gaano kasarap kapag ito’y kulang sa timpla o sarsa.
Ang aking naihayag ay isa lamang sa mga halimbawa ng aking pagkukumpara sa buhay, ‘di lang noon at ganun din sa kasalukuyan. Dati, ang buhay ay parang walang silbi, pagtrato sa bawat isa’y hindi pantay-pantay, lalong-lalo na sa mga babae na ginagawang laruan na pagkatapos pagsawaan ay pababayaan lang mamatay o itatapon na parang walang sinasayang na buhay.
Subalit, ito ay maari paring magbago kung ang pagtrato lang natin sa bawat isa ay pantay-pantay, walang mahirap, walang mayaman. Kung pahahalagahan lang natin ito, wala nang mangyayaring di-kanaisnais na maaring kumitil sa ating buhay, pero kahit minsan ay nangyayari rin ang lahat ng mga sinasabi ko sa totoong buhay. Katulad ng iyong matalik na kaibigan. Itinuturing mo siyang parang tunay na kapatid mo na, ngunit hindi mo maiiwasang may pagkakataong siya mismo ang babaliktad sa’yo.
Minsan sa aking buhay ay nadama ko ito. Mga sakit at poot na nabuo sa aking puso’t isipan. Ngunit, aking pinairal pa rin ang pagiging mapagkumbaba dahil kapag idinaan ko sa init ng ulo ay wala rin namang patutunguhan. At kapag ako nama’y maghihiganti ay parang wala na rin akong pinagkaiba sa kanya.
Ngayo’y wala na akong pwedeng gawin kundi ipagdasal siya sa poong maykapal na sana’y magbago siya, maimulat ang mga mata niyang natutulog at pinapalampas ang bawat kasamaan na ginagawa niya. Alam kong walang taong perpekto at nagkakamali rin kung minsan pero may pag-asa pa rin na magbago ang bawat tao kung ito’y kanilang gugustuhin. Katulad ng iyong pamilya na laging nariyan kung tayo’y nalulumbay at naging sandalan tuwing ipinapalabas natin ang bigat ng ating puso. Lalong-lalo na ang Panginoon na ating gabay sa pagtahak ng bawat daan sa buhay. Huwag natin silang kalimutan, na naging bahagi ng ating buhay at ibinigay sa atin ang bahagi ng kanilang sarili upang mabuo ang ating pagkatao.
Ni: Carmen Arceno
Ako ay sumusulat sa inyo upang ibalita ang sakit na lumalaganap sa buong mundo. Ang inspirasyon sa akin na makaintindi at makapagbigay sa iba ng tunay na kaalaman sa kung ano ang nangyari sa ating paligid ay ang nobelang Noli Me Tangere.
Isinulat ni Dr. Jose Rizal ang nobelang ito para ipaalam sa mga tao ang pangungurakot at pang-aabuso ng mga pinuno ng pamahalaang Kastila. Ang magandang halimbawa ay si Padre Damaso. Sa nobelang ito, ginahasa ni Padre Damaso ang isang babae. Sa ating pag-aaral, napag-alaman natin na si Maria Clara ay ang anak ni Padre Damaso. Napag-aralan natin na si Padre Damaso ang pumatay kay Don Rafael, ang ama ni Crisostomo Ibarra. Ito ay isang pangungurakot at pang-aabuso ng isang pari o alagad nd Diyos, na siyang alagad din ng mga Kastila. Ang Noli Me Tangere ay nagsasalamin ng mga pinagdadaanang buhay ng mga Filipino sa kapanahunaang iyon. Isinulat ito ni Dr. Jose Rizal upang mabuksan an mga mata ng ating kababayan kung papaano sila tinatrato ng pamahalaang Kastila.
Kaya’t ako’y narito upang buksan ang inyong mga mata sa katotohanan. Gusto kong ipamahagi ang aking napag-alaman sa inyo na ang nangyayari ngayon sa ating kapaligiran ay mali. Isang halimbawa ay ang pangungurakot ng ating pinunong pamahalaan at pang-aabuso nila sa ating lahat. Sa ngayon ay maraming tao ang inaabuso sa pangkatawan at pag-iisip, at kahit mga hayop ay napapabayaan. Lahat tayo ay dapat mabahala sa sakit na lumalaganap sa ating lipunan na umaapekto sa ekonomiya ng ating bansa.
Ni: Sarah Jean Arceño
Sa isang madilim na sulok,
Puso ko’y parang tinutusok,
Ako’y nangungulilang ganap,
Haplos ng ama ang siyang hanap-hanap.
Sa kanyang piling ay ang siyang pangarap,
Masasayang araw at walang hirap,
Ngunit ang bagyo sa buhay ay dumating,
Mga pangarap ay hindi narating.
Ang mundo ko dati rati ay makulay,
Sa ilog ng pangungulila’y tinangay,
Kami ay nagkalayo at siya ay pumanaw,
Ang mundo kong ginagalawan ay nagunaw.
Lahat ng hirap ay tiniis ko,
Alam kong ako’y suportado,
Mga mahal ko’y nandyan,
Sila’y makakapitan.
Sa aking paghihirap, maraming nalaman,
Ang pagiging matatag ay aking natuklasan,
Pagkawala man ng ama ay hindi matanggap,
Kailangan kong harapin ang aking hinaharap.
Ang pagdurusa ay hindi ko alintana,
Ako ay nakatingin sa labas ng bintana,
Iniisip masasayang ala-ala ni Itay,
Ito na lamang sa akin ang nagbibigay buhay.
Sa kanyang pagkawala,
Hindi lasap ang saya,
At doo’y aking napagtanto,
Sa buhay ako’y natututo.
Ni: Michelle Buenaflor
Puso ng bayan ay kumikirot,
Ulo ng mga tao’y puno ng kunot,
Katotohanan tungkol sa bayan,
Kaya ba nilang panindigan?
Kay linaw ng mga paningin,
Matang kahit saan tumitingin.
Isang tanong para inyong linawin,
Ang pagmamasid, sa’n nga ba nakarating?
Ang naririnig, mga kuwento tungkol sa bayan,
Mga sabi-sabing wala namang kabuluhan.
Kung sana’y naitatanong niyo lang,
Ang bayan, kanya bang pinakikinggan?
Mabangong simoy ng hangin,
Sa bakuran niyang puno ng tanim,
Pero kaya niya bang langhapin,
Ang amoy ng bayang inaalipin?
Kung siya’y magsalita,
Akala niya siya’y laging tama.
Sana mayroon siyang magagawa,
Para sa bayang niyang kawawa.
Siya’y nakakalakad at nakakasulat,
Anu man ang nais, kanyang magagawa.
Hindi man lang marunong magpasalamat,
Sa kanyang bayang binabale-wala.
Nahihirapan na ang bayan,
Nananaig ang takot sa puso’t isipan,
Bayang pagod nang lumaban,
May pag-asa pa bang masisilayan?
Ni: Duchess Marie June Cabangal
Sandali na lang. Abot tanaw na. Binaba ko ang binabasang Noli Me Tangere at tiningnan ang napakagandang tanawin sa bintana. Napakagandang araw, puting ulap, asul na alapaap, at gintong sinag ng araw. Nakatingala, nakatulala, nagtataka. Unang araw ko ito sa bagong bili na bahay ng ama ko dito sa Laguna. Isang murang bahay na inirekomenda ng kaibigan ng ama ko para may bahay lang kami na malilipatan. Hindi ko inakala na ang “lumang” sinasabi niya ay iba sa naisip ko na “luma”. Akala ko kung ano lang; mga kunting sira at kung anu-ano pa pero hindi ko inasahan na ganito pala ka luma!Malaki siya… pero mas luma pa siya sa dating bahay namin. Parang nasa kapanahunan kami ng mga kastila habang tinititigan ko ang bagong bahay namin. Kulang na lang magbarong tagalog ang ama ko at magmaria-clara kami ng ina para bumagay kami sa konsepto ng bahay namin.
Ilang buwan lang at lumipat na naman kami ng bahay dito sa Laguna kasama si ama at ina at ang alagang aso namin na si Doggie. Habang nag-aayos at naglilinis ng bahay, kapansin pansin ang nakakapanginig na hiwagang bumabalot sa bahay na ito. Kung nagbabasa ako ng Noli Me Tangere at kukunin ko ang mata ko mula sa aklat at saka pagmasdan ang silid, parang “nangyayari” ang lahat –doon mismo sa kwarto na kinatatayuan ko. Hindi ko alam kung imahinasyon ko lang ‘yun o kung anu-ano pero parang totoo talaga! Parang nabubuhay ang mga senaryo at ginaganap mismo sa bahay kong ito. Paminsan-minsan parang nandiyan pa rin ang mga boses at mga pag-uusap. “Crisostomo… ipapakilala ko sa iyo…”
“Ang kababaihan talaga ang pinakamahalagang perlas ng ating bayan.” Kahit nag-iisa lang ako sa isang kwarto, parang nandiyan lang ang mga tinig nila. Nag-uusap pero hindi ko nakikita. Naririnig ko pero walang tao.Sa aking pagtulog, maririnig mo na lang ang humihiyaw na iyak at panaghoy sa kalaliman ng gabi. Kay himbing ng tulog mo, maririnig mo na lang si Sisa tumatawag at nagtatanong, “Crispin…. Basilio…. Mga anak ko!” Bigla na lang mumulat ang mga mata ko sa hating gabi. Paano ba ako makakatulog? Hindi ko maintindihan, parang si Sisa na ako sa sitwasyon ko.
“Anak, ok ka lang ba?” tanong minsan ng aking mapagmahal na ina. Nag-aalala na naman siya sa akin. Agaw pansin ang mahinhing kilos at galaw niya. Sa mga araw na titingnan ko ang aking ina, hindi ko mapigilan makita si Maria Clara sa kanya. Mahinhin at huwaran ng kayumian katulad ng isang dalagang katutubo. May mga oras na animo’y para siyang dahon ng makahiya at sa mga pagtitig niya sa iyo ay naipadadama niya ang lungkot, saya, pagkagiliw, galit, at ngitngit na nadarama niya. Isang Maria Clara ngayon sa modernong panahon, nahuhuli ko nasa kanyang silid kung hindi siya nagluluto at nag-aayos ng bahay, nagbabasa, nagbuburda, at nanahi.
Ah… kakain napala. Tumungo ako sa kusina namin at tumulong ilapat sa pagkainan ang pinggan, tinedor, at kutsara. Sa gitna ng kusina, nakapuwesto ang malaking parihabang mesa. Nakaupo ang aking ama sa gitna at kami naman sa tagiliran nito. Hmmm…. Ang sarap ng amoy… Tinola pala. Bigla kong naramdaman ang gutom. Agad-agad kong nilagay ang isang tasang kanin, papaya, at hita at petso ng manok sa pinggan ko. “Dahan-dahan lang anak at baka mabulunan ka.”sabi ng ina ko habang napansin niya ang mabilis kong pagkain.“Oo nga. Sige ka! Lumobo ‘yang tiyan mo na parang pakwan! Magje-js ka pa naman.”dagdag pa ng ama ko. “kumain ka naman ng may ‘class,’ anak.”Napahinto ako at napayuko sa pinggan ko. Nahuhulog na pala ang mga kanin sa pinggan ko. Bigla akong napasagot; nahihiya at natauhan, “Papa naman!” Hindi ko napansin sa mga galaw ko, nabitawan ko ang aking tinidor.
Ano ka ba, Duchess… Dali-dali kong pinulot ang aking tinedor sa sahig. Umiingay pa ang aking upuan habang itunulak ko ito ng papalayo. Hindi talago ako marunong mag-ingat kailan man! Umupo na ako ng matuwid nung bigla kong napansin na may katabi na pala ko. Nagtitigan pa kami. Hindi ako pwedeng magkakamali. Ang lalaking ito… Biglang lumaki ang aking mga mata na parang mga mata ng kuwago. Gusto kong sumigaw pero nakabukas na lang ang aking bunganga. Kahit boses ko ay nawala!.. Ngayong hapunan, ang katabi ko ay si Padre Damaso. Namutla ako at hindi ko na malunok ang aking kinakain. Ito na nga ang bisita ko pagkatapos mahulog ng tinedor ko.
“Gusto niyo pa ba ng Tinola?” tanong ng isang lalaking nakabarong.
Teka! Sino ka? May lalaking nakapasok sa bahay natin! Mama! Papa! Pagkalingi ko sa kanila, hindi lang sila ang nakaupo sa mesa. Hindi lang si Padre Damaso kundi marami pang mga hindi namin kakilala; nakabarong at nakamaria clara! Punong puno at nagkalat sila dito sa buong pagkainan namin!“Pabayaan mo iyan siya. Ako ang pagsilbihan mo. Hindi mo ba nakikita na nagugutom ako?”mapangahas na sabi ni Padre Damaso sa serbidor. Agad-agad namang sinunod ng lalaking nakabarong ang mga utos ni Padre Damaso, halatang ayaw mapagalitan ulit. Parang wala lang nangyayari para sa ama at ina ko dito sa pagkainan namin. Patuloy pa rin ang pagkain at paglunok nila kahit na nagkalat na dito sa loob ng kusinang ito ang mga taong sa panahong ito ay dapat patay na! Ano ba kayo! At ang kinakabahala ko sa lahat, di ba isang tinedor lang ang nahulog ko? Bakit ang rami niyo na sa pamamahay ko! Hay! Hindi na ako magugulat kong katabi ko palagi si Padre Damaso kung kakain kami kung magpapatuloy pa ito!
Habang nagmumuni-muni ako, padabog na mang hinampas ni Padre Damaso sa mesa ang kutsara at tinedor niya. Na-ula tuloy ang tubig sa baso ko. Hindi ko na kailangang tumingin sa pinggan ni Padre Damaso para malaman kung ano ang kinapuputok ng butsi niya. Hindi ko nga napigilang ngumiti nung naisip ko ang ulo at pakpak na lumulutang sa sabaw ng Tinola sa kanyang pinggan. “Hoy! Ano ang ningingiti-ngiti mo diyan, Indiyo?”galit na tanong niya nung nakita niya akong ngumingiti.Tumaas sa takot ang aking balahibo. “Wala po. Masarap lang po talaga ang Tinola.” nanginginig kong sabi sa kanya.Sa beranda ng aming bahay, mahilig akong umupo. Ang malamig na hininga ng hangin ang mismong nagpapalamig sa parte ng bahay na ito. Binuksan ko ang Noli Me Tangereng aklat at sinimulan magbasa. Dinadampi ang mga pahina at tiibanan ng mabuti.
Si Crisostomo Ibarra ay naging at ganito… patuloy lang ang pagkwento ng aklat sa dalawang kamay ko. Tumindig na ako sa puno ng Sambong bago pa ako sikatan ng silahis ng araw. Pinikit ko ang mga mata ko at nagulat ng minulat ko. –Isang lalaki nakaupo sa mesang kahoy sa gitna ng beranda ng bahay namin. Tumayo ang lahat ng balahibo sa kamay ko at nakatayo ako na parang poste sa sobrang sindak. Hindi ko nga alam kung sisigaw ako. Sumisikip na sa kaba ang dibdib ko. Hindi nag-iisip, bigla ko na lang natanong habang lumalaki ang mata ko pagtitig sa kanya, “Crisostomo Ibarra?”Halata sa kanyang mga mata na nagulat siya at kapansin-pansin ang mukha niyang nagtatanong. Napangiti siya at sinabi, “Hindi. Ako po si Juan. ”Tumigil at napahinto ako. Wala na mang tao sa likuran ko. Sigurado ako na si Crisostomo Ibarra ito. Sa kay ‘rami ng kababalaghan dito sa bahay na ito, isa na ito sa mga iyon. Sandali…. Imahinasyon ko lang ba ito? Bakit naman si Crisostomo Ibarra ay uupo sa beranda?
Ano ba ang bahay na ito?
“Ah…Ipagpatawd mo kung nagulat kita.” Agad na pakli ng misteryoso kong bisita. Napalingon ako sa kanya. Mga mata ko nakatitig sa kanya at nagtatanong ang isip ko. “Kung pwede lang ay dumito muna ako. Ang ganda ng araw para pagmasdan.” Tuloy pa niya habang nakatingala sa asul na alapaap. “Ah…Sige.” sagot ko, halatang nag-aalinlangan. Natuklasan ko na lang na nakaupo ako hawak-hawak ang Noli Me Tangere sa isang sulok kasama ang isang lalaki na ang pangalan ay Juan na pinaghihinalaan ko na si Crisostomo Ibarra. Bigla akong napahulo… sobra pa ako sa kay Sisa kung mag-iisip! Sino ang matinong tao na magsususpetsya na ang kausap niya ay isang karakter sa isang libro! Hay naku! Gumising ka nga!Napabuntong hininga ako at hinayaan na lang ang sarili ko pagmasdan ang ganda ng hardin sa beranda namin. Hindi ko mapigilang sumilip paminsan-minsan sa kay Juan. Nagulat na lang ako nung nagtanong siya, “Kamusta ang bahay na ito?Walang kumibo ng ilang segundo. “Mabuti naman. Medyo luma na pero maganda pa rin kung lilinisan. Pero sa totoo lang…’kakaiba’ talaga itong bahay na ‘to” mahinah sagot ko.“Alam mo… espesyal itong bahay na ito.”Napalingi ako. “Talaga? Tumira ka na ba dito?” “Oo. Matagal na.”
Bigla akong nagulat sa kanyang sagot. “Kaya na man pala. Bakit hindi mo sinabi. Kaya naman pala nandito ka. Kami na pala ngayon ang bagong may-ari ng bahay mo.” napangiting sabi ko sa kanya. nginitian niya lang ako. “Pero napansin mo ba? Kakaiba talaga itong bahay na ito.” dugtong ko, natatawa pa. Tumango siya. “Espesyal nga. Alagaan niyo itong bahay na ito kung pwede lang.”Medyo nagtataka ako sa kahilingan niya. “Oo naman. Bahay ito, eh. Nagtataka lang, anong taon ka ba nanirahan dito? Lumang luma na kasi ito, nanirahan ka pa dito? ”Biglang na lang ako tinawag ni ama. Abot langit ang boses niya habang tinatawag niya ang pangalan ko. “Nasaan ka ba?”
Napalakad ako ng ilang metro kung saan nanggagaling ang boses niya. “Nandito po sa beranda.” Tumalikod ako ulit para harapin si Ginoong Juan na huli ko nang napansing sumagot, “Matagal na. –Nung bago pa lang itong bahay at tama ka kanina. Ako nga si Crisostomo. Juan Crisostomo Ibarra y Molina.” “Nakita mo ba ang bitbit kong pamili kanina?” malakas na tawag niya. “Nasa kusina malapit sa kainang mesa.” sagot ko.
Paglingi ko… wala na siya. Nanaginip ba ako o may kababalaghan talaga itong bahay na ito? Diyan ko napansin ang Noli Me Tangere nakahimlay sa mesa sa beranda.